Tumgik
#santa ng kasalanan au
lakanamihan · 1 year
Text
Santa ng Kasalanan
Anne
Walang ulo ang bangkay ng kapatid ko nang inilibing ito, kaya iniukit na lang namin ang mukha niya sa nitso.
Itong puting marmol na ito ang naging himlayan niya walong taon na ang nakakaraan. Dito siya nagpahinga at namalagi simula noon. Naririnig ko pa rin sa aking tainga ang sarili kong mga iyak na parang ibang tao ang may gawa. Si Mary, tumatakbo papalayo sa akin; ang mga kamay kong nakabitin sa ere na nanggaling sa pagkakabitaw. Nararamdaman ko pa ang hapdi sa dibdib ko na parang bukas na sugat.
At higit sa lahat, ang sundang sa kanyang leeg.

Maagang pumasok si Mary dahil kasama siya sa mga mag-aasikaso para sa General Assembly ng bagong school year bilang miyembro ng SSC, kaya hindi niya kami kasabay pumasok ni Lilianne, ang bunso namin.
Sa aming tatlong magkakapatid, si Mary talaga ang pinaka-independent. May sariling mundo daw talaga ang mga panggitnang anak, kaya siguro ganun.
Hawak ko ang kamay ni Lillianne nang parahin ko ang tricycle. At kahit nakasakay na kami, hawak ko pa rin ang kamay niya. Paborito yata ako nitong batang ito at ayaw mahilaway sakin. Ilang taon din ang agwat namin magmula kay Mary. Ako, disi-otso, nasa huling taon na ng high school; si Mary na labinlimang taong gulang, at si Lilianne na edad sampu.
Hanggang makababa na kami, magkahawak-kamay pa rin kami ni Lilianne. Nakasalubong namin si Ms. Anderson at sinabihang bilisan na namin dahil malapit nang magsimula ang assembly, at nasa loob na raw si Mary kasama ng ibang SSC.
Karaniwang araw sa karaniwang umpisa ng taon. Iyon lang dapat ang mangyayari. Hindi ko alam pero nag-iba na pala ang ihip ng hangin sa paaralang ito.

Academia de Sta. Magdalena ang pangalan ng eskuwalahan namin. Isang sectarian school sa isang sectarian government. Pinapalakad ito ng mga miyembro ng samahan na kilala lang namin bilang Kalipunan. Mula sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno hanggang sa pinakamababang klase ng mamamayan, lahat iisa lang ang sinusunod na pamamalakad—ang pamamalakad ng Kalipunan.
Asul na palda at puting blouse ang kulay ng uniporme ng mga kakabaihan sa Academia. Sa mga kalalakihan, itim na pantalon at puting polo. Ang mga babae, maiikling hanggang babâ ng tainga ang haba ng buhok, sa mga lalaki, dapat ding maikli at malinis. Si Sta. Magdalena ang patron na sinasamba ng Kalipunan, ng mga mamayaman, ng mga magulang namin, at bilang ekstensyon, pati na rin naming mga estudyante.
Pagkatapos kaming kausapin ni Ms. Anderson ay dumiretso na kami sa covered court. Sinalubong ako ni Emma, ang classmate at best friend ko, morena at medyo maingay dahil mabilis ma-excite. Ang malaki niyang ngiti ang sumalubong sa amin.
"Anne! Halika, ni-reserve ko na yung upuan mo. Katabi ni TJ," sabay hila ni Emma sa kamay ko, dahilan para mahila ko rin ang kamay ni Lilianne.
"Tara, Lily, dun ka na rin umupo banda sa'min," dagdag niya pagkakita sa kapatid ko.
Sa upuan malapit sa exit kami pumwesto, katabi ko nga si TJ. Sabi nila may gusto daw sakin itong classmate namin na ito pero hindi ko naman maramdaman, kaya binabalewala ko na lang. Sila Emma lang ang natutuwa kapag tinutukso nila kami.
Maingay pa ang mga estudyante. Wala ang mga SSC. Napansin ko, sa paligid ng court, may mga taong nakahilera na nakatalukbong ng puting saklob ang mukha at ulo, nakasuot ng asul na polo at itim na pantalon ang mga ito. Lahat sila lalaki.
Maya-maya ay may babaeng tumayo sa stage kung saan dapat magsasalita ang mga speakers sa araw na iyon. Nakasimpleng pambahay na damit siya, lumang sando at maong na shorts. Maikli ang buhok niya. May hawak siya sa kaliwang kamay na hindi masyadong kita kung nasaan kami, nakatago ito sa gilid niya. Ang kanang kamay, may hawak na sundang, duguan.
"Malapit na siyang magbalik!" pasigaw na kinuha niya ang atensyon namin. Parang malapad na kumot ang katahimikan na bumalot sa lahat nang bigla itong bumagsak sa amin. "Kaya magsisi na kayo bago pa mahuli ang lahat!
"Nagpakita siya sa akin! Oo! Ang Diyos na Makapangyarihan! Isinugo niya ako upang ipakalat ang mensaheng paparating na siya! Kaya magbago na kayo at lumayo sa mga tukso—ilayo niyo ang bawat isa mula sa kasinungalingan ng mga taong huwad at palalo!"
Kasabay ng mga katagang iyon ang paglahad niya ng hawak sa kabilang kamay—ulo ng lalaki, kulay ube na sa namuong na dugo.
Iisa lang ang tumatakbo sa isip ko. Isa itong kaso ng spiritual psychosis. Habang lumulutang ang isip ko dahil sa mga nangyayari ay tuloy sa pagpapaliwanag ang babae.
Ulo ng doktor ang hawak niya. Doktor na palalo. Doktor na walang Diyos. Doktor na naniniwala sa siyensiya at kung anu-ano pa. Doktor na walang pinaniniwalaan.
"Ngayon, kailangan ko ng tulong niyo. Kailangan maligtas tayong lahat. At maliligtas tayo sa ating pananampalataya. Kailangan nating magkaisa..."
Masama ang kutob ko... Alam ko kung paano magpatakbo ang kalipunan. Hindi pa man niya sinasabi ay alam ko na ang hinihingi nila—isang alay mula sa amin.

Mary
Tumakbo si Mary papasok, malapit sa exit kung saan kami nakapwesto. Hawak niya ang anak niyang wala pang anim na buwan, at nang makita ako ay agad itong ibinigay sakin.
"Ate," maluha-luha siya habang ipinapasa sa akin ang anak. "Alam kong makasalanan ako. Patawarin mo ako sa lahat ng mga naging kasalanan ko. Huwag mong pababayaan ang anak ko."
Bumagal ang mundo kasabay ng pagbigat ng dibdib ko. Napuno ako ng takot. At lungkot. Nakita ko si Mary na pumunta kung nasaan ang babaeng may hawak ng sundang at ulo. Nakita ko kung paanong magmakaawa si Mary na siya na lang ang kunin, kung paano siya humingi ng tawad. Nakita ko kung paano nagsihiyawan at lundagan sa tuwa ang mga estudyanteng nailigtas ni Mary sa araw na iyon. Nakita kong itinaas ang sundang, puno ng natuyong dugo, para lang idikit sa leeg ni Mary. Matagal at nakakahindik kung paanong nilagare ang ulo ng kapatid ko mula sa katawan niya.
Hindi ko na naririnig ang hiyaw ko. Ang kapatid ko. Huwag ang kapatid ko. Bakit? Huwag ang kapatid ko...
Kulog na lang sa dibdib ko ang boses ko, hindi na tunog. Sa dagsa ng mga nagsisigawang kabataan, nandoon ako, yakap si Lilianne sa bewang ko, ang pamangkin ko sa aking dibdib, si Emma na nakayakap sa akin, pati si TJ, tuliro at bakas ang takot sa mga mata.
"Aalis ako." Gusto kong tumakbo at tumakas pero pinigilan ako ni TJ, at sabay turo sa mga nakapilang lalaking walang mukha sa gilid.
Hindi pwede.
Wala na akong nagawa kung hindi umiyak na lang. Tahimik na umagos ang luha ko, wala na ang mga sigaw. Humupa na rin ang selebrasyon. Umalis ang sugo ng Diyos, kasama ng kalipunan.

Ang mga mesiyas hindi batas. Sila ang mga tunay na alay na tupa. Sila ang mga isinasakripisyo ng Kalipunan. Isa lang siya sa mga ordinaryong babaeng ginamit na kasangkapan sa mga pagpatay.

Hindi na namin nabawi ang ulo ni Mary, dahil ginagamit itong pagpapatunay ng Kalipunan sa mga sakripisyong ginagawa nila. Ginawang tropeyo ang pagkakakilanlan ng kapatid ko, na hindi man lang nila mabigyan ng pangalan. Mga Ulo ng mga Makasalanan. Mga patunay na tinutubos ng Diyos ang mga hindi naniniwala.
Mabuting tao si Mary. Hindi niya dapat pagdusahan nang ganoon ang pagkakaroon niya ng anak sa murang edad. Anong parusa ang ipapataw sa tumubos sa buhay ng ina ng sanggol na walang gagabay at mag-aaruga?

Lily
Dumiretso na ako sa kulungan pagkagaling ko sa puntod ni Mary. Pagkatapos ng masalimuot na pagbalik sa nakaraan, kakaharapin ko naman ang mapait kong kasalukuyan.
Pagdating ko ay pinasadahan ako ni Hepe ng mga nakatakdang mangyari sa araw na iyon. Hapon ang oras kung kailan bibitayin si Lilianne, may ilang oras na lang ako para makausap siya.
Hindi ko alam pero halos mapuno ang isip ko ng amoy ng kalawang, malansang hangin ng mga selda, at mapanghusgang mga ilaw. Hindi ako pinayagang tumuloy sa selda ni Lilianne. Nakaupo lang siya sa bakal na upuan na nakakabit sa pader.
Labingwalong taong gulang na siya ngayon, gaya ng edad ko noong magsimula ang lahat ng ito. Pareho pa rin ng gupit niya noong mga estudyante pa rin kami. Hindi tulad kong humaba na nang humaba ang buhok hanggang sa bewang, minamarkahan ang bawat paglipas ng taon, ipinaaalala ang mga nawalang hindi na maibabalik pa.
Nakasuot si Lilianne ng mahabang puting damit, pinili niya ito at ipinakiusap na iyon ang ipasuot sa kanya sa araw na ito.
"Kamusta na, Doktora?"
"Lily, bakit? Nandun ka nung araw na 'yon. Nakita mong pinugutan nila si Mary. Bakit mo nagawang sumapi sa kanila?!"
"Hinayaan mo siyang mamatay!"
"Kung pinigilan ko siya, kayong dalawang bata ang mapapahamak!"
Hindi ko alam kung paano niya naisip na ang pagsali sa Kalipunan ang solusyon sa mga naging problema namin. Hindi ko alam kung paano niya naisip na makakahanap siya ng hustisya sa mismong mga taong nakikinabang sa kawalan nito.
"Nakinabang ka lang din. Iniligtas mo lang rin ang sarili mo sa pananahimik mo," sumbat ni Lilianne sa akin.
"Pero hindi ako pumatay ng tao, Lily."
Simula nang mamatay si Mary, nagkaroon ng kakaibang obsesyon sa kalipunan si Lilianne. Subsob ako sa pag-aaral sa kolehiyo at pag-aalaga sa pamangkin namin kaya hindi ko na siya masyadong naintindi. Lagi lang rin naman siyang hindi kumikibo. Inisip kong nagluluksa lang siya.
Pero nang ilang taon na ang lumipas, tuluyan nang lumayo ang loob namin sa isa't isa. Inisip ko na lang na tulad ko, sa pag-aaral na lang niya ipinapamanhid lahat ng sakit na hinding-hindi na mawawala pa.
Akala ko ganun lang. Pero isang araw, hindi na umuwi sa amin si Lilianne. Nalaman ko na lang na tuluyan na siyang sumali sa Kalipunan, at siya na ang pinabagong mesiyas ng mga ito. Hawak na niya ang sundang. Hawak na niya ang mga ulo. Ilang beses kaya niyang nadaanan ang ulo ni Mary? Ano kaya ang naramdaman niya nang makita niya itong muli makalipas ng ilang taon.
Sa mismong araw ng ika-labingwalang kaarawan niya ginanap ang unang pagtubos—ang una niyang pagpatay. Pagkatapos pa ng ikaapat na biktima bago siya hinuli ng mga awtoridad. Pakiramdam ko isa rin siya sa mga biktima. Walang ibang pangalang binitawan si Lilianne, wala siyang gustong isuko.
Pinili niyang saluhin lahat ng parusa.
"Ikaw ang uuwi, Lily. Hindi ko pwedeng dalhin ang bahay natin papunta sa'yo," giit ko. "Pero hindi ka umuwi. Kahit kailan hindi mo sinubukang bumalik. Wala akong magagawa kung ayaw mo na sa'min."
"Hindi mo ako iniligtas," sumbat ni Lilianne.
Kinuha ko mula sa bulsa ng pantalon ko ang litrato ni Marianne, ang anak ni Mary. Pitong taong gulang na siya sa sa larawan, mahaba ang hanggang bewan na itim na buhok tulad ko.
Tumayo ako para umalis. Pero bago iyon, ay muli kong tinitigan ang kapatid ko, at namaalam sa kanya sa huling pagkakataon.
"Sana man lang naging masaya ka sa mga pinaggagawa mo. Sana masaya ka sa lahat ng mga kinuha mo, gaya ng pagkuha nila kay Mary mula sa atin. Sana nakaranas ka ng kapayapaan, dahil 'yan ang hindi na namin mararanasan dahil sa inyo."
"Sa kanya ka nagkasala, Lily. Sana naibigay sayo ng mga taong pinili mo ang hustisyang hindi niya mararanasan."
Iniwan ko ang kapatid ko sa seldang iyon. Hindi ko na balak masaksihan ang isa pang pagpatay sa isa ko pang kapatid.
Suko na ako. Kailangan ko pang bunuin ang mga natitirang araw ko sa mundo nang hindi nalalaman kung saan hahagilapin ang mga nawawalang tao, nawawalang koneksyon.
Hangga't hindi ko pa sila mahanap, hahayaan ko na munang lumipas ang mga susunod na araw.

Author's note: Napanaginipan ko to 😭 as in buong plot, pati yung pag-unfold ng story, pati mga dialogue. I felt a sense of hopelessness nung magising ako. Gusto ko i-try i-encapsulate yun kapag isinulat siya. I hope ganun nga yung naging effect.
0 notes