#PANDEMICPOEMS: AYALA
Oh, Ayala.
Simula nung nag-pandemya, hindi na kita nabibisita.
May mga pagbabago na sayo na kitang-kita...
Lagi akong napapadpad dito sa gabi. Minsan masaya. Madalas mag-isa.
Nakalimutan ko na kung gaano ka rin kaganda sa araw...
Kung masilayan lang kita sa ganitong lagay ay bihira.
Pansin ko nawala na ang isang building ng BPI.
Napakahalaga ng kanyang kasaysayan sa daan,
Ngunit sadyang may mga kailangan nang lumisan,
Para magbigay liwanag sa kinabukasan.
Kung makita man ng tao ang larawan na ito,
Hindi ko sinasadya na sa kasagsagan pa ng nalalabing eleksyon.
Wag sanang pulitikahin...
Hindi ko lang maiwasang kunin ito,
Dahil napapaisip lang ako, sa una:
Paano kaya kung buhay pa sya hanggang ngayon?
Imposible: may magiiba sa ating estado ngayon pag nangyari ito.
Ngunit, paano kaya kung may lakas ako ng loob na makapanayam ko sya..
Kung naasan man sya?
Maaring ito ang aking masambit:
Oh, Ginoong Ninoy.
Maaring kita niyo na ang lagay ng bansa mula dyan sa itaas, at kung paano kayo tinatandaan ngayon ng mga nasa aming henerasyon.
Nakakausap niyo ba ang mga nakasalamuha mo sa mundong ibabaw?
Pati yung nakakasalamuha ng mga kamag-anak mo?
Hindi ko alam kung anong maaring maisip ko sa direksyon ng inyong rebulto...
Kung paanong itinutulak kayo sa kung nasaan ang sikat ng araw, bagama't palubog na ito.
Ngunit ang aking pinagdarasal ngayon:
Sana hindi masamang pangitain ang sumisimbolo dito.
Kakadaan ko rin sa Salcedo.
May kaunti pa ring bahid ng kalungkutan,
Ngunit sa araw na nasilayan, ang sarap ring balikan.
Ikinagulat ko ang nakatayo sa Tri.
Parang kelan lang nung nilagyan ka pa ng harang sa construction site.
Ngayon, isa ka na sa nakatindig:
Taas noo sa kalagitnaan ng sangangdaan.
Sumisimbolo sa mga pangarap namin na pilit inaabot,
Kulang man sa datung o sa panahon.
Trenta na ako. Ilang beses na ako umabot sa pagsuko.
Kulang na lang bawiin ang sariling buhay...
Pero minsan rin talaga, sa mga hindi dapat asahan, inuulan ka pa rin ng pagasa...
Oh Panginoon. Hiling ko, naway hindi pa huli ang lahat.
Huling parte ng aking paglakbay.
Hindi ko pa gustong mawalay,
Lalo na kung ang sikat ng araw sa lugar na ito ang nagaantay.
Maraming magagandang alaala ang pilit kong sinasariwa,
Lalo na kung ito ay kaganapan sa nakabinbin na liwanag...
Kelan ko kaya masasariwa na makalabas agad na ganito ang nakikita?
Isa rin bang simbolo ito:
Na bigyan rin ako ng pagkakataon
Na mawala sa kadilimang nararanasan ko ngayon?
Maari. Ngunit pwede rin na may mga naiisip lang na saglit
Na lumilitaw lang sa dapithapon.
Tama na ang imahinasyon, Gina.
Reyalidad pa din ngayon ang pandemya.
Kelangan mo nang umuwi.
Pero baunin mo ito. Gamitin mong inspirasyon...
Pagsipagan na makamit mo rin ang mga pangarap mo.
At baka ang mga isa rin sa destinasyon mong paraiso ang mga sandaling ito.
Lahat ng hirap mo, magbubunga. Pangako.
0 notes