Tumgik
pangungumpisal · 3 years
Text
Hindi pangkaraniwan ang init ng Marso ngayong taon, at hindi rin pangkaraniwan ang alas-tres ngayong araw. Tirik sa araw ang bandila ng Espanya na nakataas sa poste ng himpilan ng tren sa Dagupan. Kumakabog ang puso ni Luca at tila bang hindi mapakali sa mabagal na pagtakbo ng dalawang kamay ng orasan. Nakasandal siya sa isang sulok at nakayuko, tila bang may tinataguan. Kinakapitan niyang mariin ang tiket niya para sa isang tren na kaniyang sasakyan na darating mamayang alas-tres, papunta sa Tutuban sa Maynila, ang huling lugar na pag-asa ni Luca para makapagbagong buhay.
Batid sa kaniyang guya-guyanit na damit ang hirap na kaniyang dinaranas dito sa Dagupan. Maswerte pa siya dahil sa kakapiranggot na laman ng bulsa niya ay nakabili pa siya ng tiket. Alintana kay Luca ang kayumanggi niyang balat na pawis na pawis sa ilalim ng maalinsangang himpilan. Wala siyang dalang maleta o kahit anong gamit, sapagkat gusto niya nang lubos na lisanin ang lahat sa Dagupan.
“Andeng, paparoon muna ako sa palikuran,” wika ng isang lalaki sa kaniyang asawa.
“Dalian mo’t darating na ang tren, alas-tres menos dos na,” sagot naman ng babae na magarbo ang pagkakabihis.
Umalis ang lalaki at iniwan ang kaniyang abuhing abrigo at sumbrero sa may bangkô na kaniyang inuupuan. Maya’t maya pa ay:
“Putris naman ‘tong init, makabili nga ng tubig,” reklamo ng babae sabay lakad sa tindahan ng himpilan.
Narinig at nakita ni Luca ang buong pangyayari. Nagdalawang isip siya kung mararapat niya bang kunin ang mga damit ng lalaki para maitago ang kaniyang sira-sirang mga damit. Ang mag-asawa ay mukha namang masalapi, kaya’t naisip niyang kung nanakawin man niya ang mga damit, makakabili naman ang lalaki ng panibago. Sa huli, hinablot ni Luca ang sumbrero at abrigo na iniwan ng lalaki habang walang nakakakita, at nagkataon namang biglang dumating ang tren. Dali-daling sumakay si Luca sa tren kasabay ng mga madla. Nagkaroon ng kaguluhan sa tren dahil hindi alam ng mga tao kung saan sila mararapat na umupo. Biglang dumating ang isang gwardya-sibil para ayusin ang komosyon.
Napuno ng kaba ang katawan ni Luca. Tila bang lahat na lang tinataguan niya, eh pupunta lang naman siyang Maynila. Bukod pa roon, wala siyang maipapakitang sedula, na karaniwang hinihingi bilang pasaporte sa loob ng mga tren.
Agad na pinilit ni Luca na lumayo sa kumpol ng mga tao. Ang mga silid ng tren ay puno na, at hindi niya alam kung saan ba siya lulugar. Sa kaniyang desperasyon para makatago sa sibil, agaran siyang pumasok sa huling silid. Dali-dali niyang sinarado ang pintuan ng silid at hinabol ang kaniyang hininga ng ilang saglit. Pagkalingon niya sa likod, laking gulat niya at hindi niya napansin ang isang prayleng natutulog sa pagpasok niya sa silid.
Naalimpungatan ang prayle at nakita si Luca. Kumunot ang noo nito marahil hindi niya naman kilala si Luca.
“Pasensya na ho, padre, hindi ko po kayo nais gambalain”, Dispensa ni Luca sa prayle. Paalis na sana siya nang biglang umimik nang ang prayle.
“Hindi. Pumarito ka. Umupo ka--,” sabay ubo ng prayle, sa kaniyang malalim na boses.
“Gugustuhin mo ba akong mag-isa sa mahabang lakbay na ito?” rinig pa sa prayle ang gaspang ng boses ng bagong gising.
Napilitan na lamang si Luca na umupo kasama ang prayle. Pinagmasdan niya ang kasuotan ng prayle. Karaniwan ang marróng abito ng prayle, ngunit namumukod tangi ang ginto nitong mga alahas. Kapansin-pansin ang dalawang gintong singsing at makinang na kwintas ng prayle. Katamtaman lamang ang taba ng prayle, at hindi ganoon katanda tignan ang kaniyang mukha sapagkat wala pa itong masyadong mga kulubot. Malalim at malamig ang mga mata ng ng prayle. Sa kabila ng pagtanggap ng prayle kay Luca, hindi niya maalis ang kaba.
“Ano hijo, magtititigan na lang ba tayo?” sarkastikong tanong ng prayle. Napangiti si Luca.
“Saan po ang punta niyo? Padre…” tanong ni Luca sa prayle, at napahinto dahil hindi niya alam ang ngalan ng kausap niya.
“—Cisco, Padre Cisco”, dagdag ng prayle. Iniabot ng prayle ang kaniyang kamay at kinamayan naman ito ng isa. “Luca,” pakilala niya.
Bumusina ang tren at nagsimula nang umandar ang tren. Nakita ni Luca ang mag-asawang kinunan niya ng damit na tumatakbo at hinahabol ang tren. ‘Di na lamang ito pinansin ni Luca at tumingin kay Padre Cisco. Sumandal ang prayle sa kaniyang sandalan.
“Sa Maynila. Pinapatawag ako ng arsobispo roon, biglaan,” sabi ng pari. “Ikaw, saan ka tutungo?”
“Maynila rin ho ang punta ko,” sagot naman niya. “Nagbabalak akong magbaka sakaling doon ko mahanap ang ginhawang hindi ko pa nararamdaman,” kinuyom niya ang kaniyang ninakaw na abrigo para itago ang sira-sira niyang damit sa loob. Napatingin na lang sa kaniya ang prayle at nagbigay ng mukhang nakakaintindi.
Inisip ni Luca ang kaniyang buhay sa Dagupan. Hirap. Gutom. Pawis. Nais niya nang iwanan ang lahat sa Dagupan, ngunit hindi ito mangyayari kung ang lahat ay hindi niya mabitawan. Gumugulo pa rin sa kaniya ang kaniyang gawain bago sumakay sa tren na ito: pagiging kriminal. Ninakaw lamang ni Luca ang pinambayad niya sa tiket, at dagdag pa roon ang ninakaw niyang abrigo’t sumbrero para magbalat-kayô.Tanging sa mga masasamang gawain lamang nabuhay si Luca sa Dagupan, isang pangyayaring bumabagabag sa isip at konsensya niya.
Kumuha ang prayle ng isang kaha ng sigarilyo sa bulsa ng kaniyang abito, at iniabot kay Luca ang isa para kuhain. Kinuha naman ni Luca ang ibinigay sa kaniya sa kabila ng pagdadalawang isip. Iniabot ng prayle ang posporo para isindi ang sigarilyo, at ibinalik rin naman kagad ni Luca ang kahon. Ibinalik muli ng prayle ang kaha’t posporo sa kaniyang bulsa.
“Malalim ata ang iniisip mo”, sabi ng prayle, “baka mawala pa ang bagot ko kung magkukwento ka”.
Hindi lang pagkukwento ang nais gawin ni Luca. Isang kumpisal ang kaniyang kinakailangan kung ibig niya pang magbago sa mata ng kaniyang Diyos. Nagkataong isa nang prayle ang nasa harap niya, at isang pagkakamali ang hindi sunggaban ang oportunidad na ibinigay sa kaniya. Lumulon ng malalim si Luca para mailabas ang nais sambitin:
“Gusto ko sanang mangumpisal”
Tumango si Padre Cisco. “Kung iyan ang paraan mo para mawala ang bagot, sige.”
Pinalingon ng prayle si Luca sa gawing bintana habang humihithit ito, at siya naman ay nakaharap sa pintuan na may salamin ng kwarto ng tren, kung saan kita ang pasilyo ng daraanan sa tren. Hindi alam ni Luca kung dapat niya bang sabihin ang lahat ng kaniyang gusto nang kalimutan sa isang estranghero, ngunit pinangatwiranan rin naman niya ito na ang taong pagkukwentohan niya ay hindi niya kilala at marahil ito na ang una’t huli nilang pagkikita. Kung nais niya ring magbagong buhay sa ibang pook, dapat siyang dumating na walang dala-dalang kasalanan mula sa nakaraan.
“Marunong ka mangumpisal?”, tanong ng prayle. “Hi—Hindi ho,” sagot naman ni Luca, sabay hithit sa sigarilyo. “Huwag kang kabahan.’Di bale’t gagabayan na lang kita, tayo’y magsimula na.”
“In nomine Patris, et Fili, et Spiritus Sancti. Amen”, usal ng dalawa, kasabay ng pagsenyas ng krus sa kanilang katawan.
Bakas sa mukha at boses ni Luca ang kabang kaniyang nararamdaman, kahit na pinagsabihan na siya kanina.
“Basbasan mo ako padre sapagkat ako’y nagkasala”, sabi ng prayle na siya namang sinundan ni Luca. “Kailan ang huli mong kumpisal?” tanong ng prayle. “Ito ho ang aking unang kumpisal,” sagot ni Luca, sabay buga ng usok ni sigarilyo.
“Ano-ano ang ‘yong mga kasalanan?” sunod na tinanong ni Padre Cisco.
Bumigat ang puso ni Luca. Napahinto siya ng sandali’t hindi wari kung ano ang kaniyang isasagot. Huminga siya ng malalim at simulang nagkwento. Pinatay niya ang baga ng sigarilyong kaniyang hinihithit.
“Isa akong magnanakaw sa Dagupan,” sabi ni Luca. “Sa bente’y dos kong gulang, labing-limang taon akong binubuhay ng nakaw. Sa katunayan, kasama nga ako sa isang sindikato. Sa kabila noon, malaya pa rin ako. Ngunit ginagawa ko lang ang lahat ng ito para mabuhay, tulad ng ibang pobre’t mayamang ginagawa ang lahat para mailigtas ang sariling mga bungo sa kamatayan.”
“Yoong sindikato, anong—“ Itatanong sana ni Padre Cisco ang pangalan ng sindikato, ngunit bago pa siya matapos ay may kasagutan na si Luca. “—Bandidos Mascredos. Kilala niyo na siguro. Hindi namin kilala ang mukha ng isa’t isa sapagkat palagi kaming nakamaskara kapag may operasyon. ‘Di ko nga rin kilala kung sino ang pinuno namin. Sa kabila noon, matagumpay ang aming gawain. Minsan na nga rin naming napasok ang santuario.”
“Ang simabahan ng Dagupan? Diba’t mahirap makapasok roon dahil pasikot-sikot ang bahay ng clero?” Tanong ng prayle kay Luca.
“Oho. Doon nga. Buti na lamang at may kasama kaming alam ang daanan at alam kung saan tinatago ang mga imaheng gawa sa pilak at ginto,” sagot ni Luca.
“Bawal tumiwalag sa amin, kaya’t humanap lang ako ng tsempo kung kailan ako tatakas. Sabi ng mga kasama ko sa sindikato, aalis ng ilang araw ang aming pinuno, kaya minabuti ko nang kunin ang pagkakataon na iyon para tumakas. Gusto kong maging malinis bago tumapak at magsimula muli sa Manila –”
Bago pa man makapagpatuloy ng sasabihin si Luca, binuksan ng sibil ang kanilang silid.
“Biglaan po, nasaan ang inyong mga sedula?” tanong ng sibil.
Kinain ng takot si Luca. Wala siyang sedula, sapagkat hindi siya rehistrado.
“ALIS! Hindi mo ba nakikitang nagkakaroon ng kumpisal? TONTO!” sigaw ng prayle sa sibil na nagulat at natakot sa malalim na boses ng prayle.
“ Pero—Sige po padre, salamat na lang, pasensiya sa abala,” nanginginig na sabi ng sibil.
Buti na lamang ay prayle ang nakasama niya sa kaniyang paglalakbay sa tren. Nakahinga si Luca ng maluwag kasabay ng pag-alis ng sibil sa kanilang silid.
“Hanga ako sa tapang mong magbagong buhay muli,” puri ng prayle. “Naiintindihan ko namang nais mo lang ring may maipakain sa sikmura mong kumakalam. Ngunit dapat mong mapagtanto na lahat ng iyong ginagawa ay may kaukulang kinahahatnan. Dapat mong tanggapin ang mararapat sa iyo, at salubungin ang lahat ng mangyayari sayo ng buong tinatanggap,” payo sa kaniya ng prayle.
“Sabayan mo ako sa aking dasal,” sabi ni Padre Cisco kay Luca.
Kanilang dinasal ang panalangin ng pagisisi. Sa pagtatapos ng kanilang kumpisal, naging kumportable na si Luca sa kasama niyang prayle.
“In nomine Patris, et Fili, et Spiritus Sancti. Amen”, dasal ng dalawa.
“Ilang bayan na rin ng Pampanga at Bulacan ang ating nadaanan,”sabi ng prayle.
“Aba’y oo nga, hindi ko napansin,” sagot naman ni Luca.
“Lalabas muna ako, napakahaba ng biyahe at kailangan ko munang maglabas,” paalam ni Padre Cisco kay Luca.
Bago umalis si Padre Cisco sa silid, may kinuha muna ito sa kaniyang maleta, ngunit hindi ito nakita ni Luca dahil patalikod niyang binuksan ang bagahe. Maya-maya rin ay bumalik na rin naman ang prayle sa kanilang silid.
Magtatakipsilim na. Kitang kita sa bintana ng silid nina Luca ang silahis ng araw na nagpapailaw ng malakahel na sinag sa loob ng kanilang tren. Matapos ang ilang oras, huminto na rin ang tren sa Tutuban. Tumayo si Luca sa kaniyang inuupuan at tumingin sa labas ng bintana ng tren. Napansin ni Luca na maraming gwardya-sibil sa harap ng pintuan ng tren.
“Anong meron?” Dinig sa boses ni Luca ang nginig at kaba.
Hindi muna pinalabas ng mga sibil ang mga tao sa loob ng tren at ang karamihan ay nagtataka at naguguluhan. Napatingin si Luca kay Padre Cisco.
“Huwag kang mag-alala, may plano ang Diyos para sa lahat,” ani niya.
Nakita ni Luca na sinalubong ng sibil na nanghingi ng sedula kanina ang mga sibil na nasa himpilan ng tren sa Tutuban. Bumabalik sa kaniya lahat ng takot at kaba niya kanina. Akala niya’y makakapagsimula na siya ng maayos na buhay sa Maynila.
Pumasok ang mga gwardya-sibil sa loob ng tren at pumunta sa harap ng silid na kinaroroonan nina Luca at Padre Cisco. Tumayo si Padre Cisco at kinuha ang dalawang maleta na nakalagay sa estante na nasa taas ng kanilang mga upuan. Hinalikan niya ang pisngi ni Luca at sabay na may binulong:
“Ngayon, alam mo na kung ano ang isang mukhang kabilang sa sindikato. Maswerte ka’t yoong mukha pa ng pinuno nakita mo.”
Sa mga oras na iyon, napanghinaan na si Luca. Para bang wala na siyang kawala kung sino siya, at tadhana na niya maging isang dukha. Naisip niyang kahit saan niya dalhin ang sarili niya, maaring pobreng magnanakaw lang talaga ang itinadhana ng kapalaran sa kaniya.
Lumabas si Padre Cisco at iniabot ang isang maleta sa mga gwardya-sibil. Nang buksan nila ito, puno ito ng pera. Umalis ang prayle at pumasok ang mga gwardya-sibil para hulihin si Luca. Hindi makaimik si Luca, at hinayaaan na lang ang mga nangyayari. Tinatawanan lamang siya ng mga gwardia-sibil, at iginapos sa isang komparatamentong walang bintana.
“Isang magnanakaw. Que Horror! Walang ibang nababagay sayo kun’di bumalik sa iyong pinanggalingan. Nababagay sayong maging preso!”
Preso ng alin? Preso ng kulungan o preso ng lipunan at kayamanan?
0 notes
pangungumpisal · 3 years
Text
Mga miyembro at ambag:
TANIG, John Jumaine - Compiler, Writer (Halos lahat), Web developer
FARIÑAS, Marc Keilvin - Web developer, Writer (Pagpapakilala ng mga tauhan sa isa’t isa)
VILLALON, Michael Van - Writer (Flow at mga pangyayari sa ending)
MANAOG, Tobby Leonard - Writer (After confession scene)
0 notes