Tumgik
its-asteracire-stuff ¡ 5 years
Text
'Normalan' sa Loob at Labas ng Lipunang Hindi Maintindihan
Sa panulat ni Asteracire
(Ang kabastusan ng mga Filipino ni Isagani R. Cruz)
Pangkaraniwan. Walang bago. Paulit-ulit.
Mahirap palitan.
Ito ang mga nakakabit na salitang nabuo ko sa orihinal na akdang ito. Siguro ay madaming mapapataas ang kilay at ang ilan naman ay mangingibit-balikat na lamang sa usapin ng kasarian, patriyarkal, marxismo, feminismo at iba pang mga ideolohiya na binanggit ni Isagani R. Cruz. Mula sa mga nagbabanggang kuro-kuro at palitang ng opinyon sa mga sikat na platapormang digital tulad ng facebook, twitter, reddit, at maging ang youtube, makukuha natin ang sangay-sangay na pakahulugan ng mga taong nais magbigay ng opinyon. Hindi sa hindi natin bibigyang pansin ngunit upang maintindihan na para bang ang iba ay tumitipa lamang upang may masabi. Isang pag-alala na hindi lahat ay may kakayahan na initindihin kung ano ba talaga ang mga ito. Madadaplisan natin ang metaporang inilahad ni Isagani R. Cruz na 'pataasan ng ihi', na isang konteksto hinggil sa payabangan. Inihiwalay niya ang kababahihan sa teksto't sinabing "hindi angkop sa babae ang pataasan ng ihi" ngunit ako'y hindi sumasangayon dito. Hindi nga lamang sa pisikial na oryentasyon akma ito ngunit maging sa usapin ng mentalidad ay isip-patriyarkal na ang mga kababaihan. Kahunghangan kung sasabihing isinusulong ng iba ang feminismo kung sa atin naman sumasalamin at nabubuhay ang ganitong pagiisip—sabi nga sa isang pamosong sipi,
'the one who judges, are part of the group their criticizing'.
Ito ang kultura ng masa na binabarena ng tradisyon at pagsunod sa baluktot na gawi't isip.
Inilahad na maging ang kalalakihan ay isang uri. Uri na mas mataas kaysa sa kababaihan. Patunay nito ang pagpapakita ng mga komiks na gawa ng mga kababaihan ngunit lantad ang pagpapahalaga sa pansiriling kapakinabangan ng mga kalalakihan at pagiging sunod-sunuran ng kababaihan na tinatangi ang kalalakihan bilang nagiisang kaligayan. Kapansin-pansin din ang pagkonekta sa gahum ng kalalakihan at ng mga mayayaman. Parehong naghaharing uri sa magkaibang konsepto.
Ang kultura ng masa ay pumapanig sa kung sino ang nasa tuktok. Kung sino ang makapangyarihan.
Ito ang kultura ng masa na binabarena ng tradisyon at pagsunod sa baluktot na gawi’t isip.
Inilahad na maging ang kalalakihan ay isang uri. Uri na mas mataas kaysa sa kababaihan. Patunay nito ang pagpapakita ng mga komiks na gawa ng mga kababaihan ngunit lantad ang pagpapahalaga sa pansiriling kapakinabangan ng mga kalalakihan at pagiging sunod-sunuran ng kababaihan na tinatangi ang kalalakihan bilang nagiisang kaligayan. Kapansin-pansin din ang pagkonekta sa gahum ng kalalakihan at ng mga mayayaman. Parehong naghaharing uri sa magkaibang konsepto.
Ang kultura ng masa ay pumapanig sa kung sino ang nasa tuktok. Kung sino ang makapangyarihan. Ang pagiging sikat nga lang sa kasalukuyan ay pagiging makapangyarihang bumago o magdadag ng ideolohiya. Kahit walang kredibilidad ay pinaniniwalan pa rin mga nasa mediocre na bahagi ng lipunan, ang mga sikat na artista o mas kilala sa tawag ngayon na
‘influencers’
ay pinakikinggan kahit nagpapalaganap na ng ‘fake news’ tulad na lamang ni Mocha Uson. Talaga nga namang nakakamangha. Magiging usapan pa ang terminolohiyang ‘fake news’ na ito kung magiging interaktibo ang aking blog, dahil walang balita ang hindi totoo. Isang halimbawa na naman ng niyayakap na salita at paniniwala. Isa sa mga ideolohiya na nagtutugma ay ang pagkakatuwang ng Kristiyanismo at Marxismo na parehong may ugnayan sa salbasyon ng lahat. Nagkaiba nga lang na ang Kristiyanismo ay tinuturing na
‘after-life salvation’
at ang huli ay
‘salvation of the earth’
Ngunit ang magkaibang ideolohiya na ito ay niyayakap pa rin at niyakap ng mga tao. Na kung gagamitin sa kasalukuyan ng may kritikal na pagiisip ay bubuo ng lipunang mas masarap tirahan. Ang lipunan ay lipon ng madaming ka-normalan na ang normal ay may bahid ng kabaluktutan na kailangan nating wakasan. Binubuo ng maraming kabastusan ang mga pilipino at ang solusyon ay nasa tao at nasa sistemang nabuo. Higit na dapat nating isaalang-alang ang mga ideolohoya sa akda na haluan ng ‘rhizome thinking’ kung saan sasalain lamang ang importante na kailangan ng indibidwal at ng lipunan. Ang mga sobra ay kailangang itabi sa panibagong sirkumstansiya. Maghalo-halo man ang mga ideya ay hindi ito masasapawan ng kung anong alam nating mahalaga.
Noon, sa pagbabalik ko sa aking dating persona natuklasan ko na para akong dahon na malayang naglalayag sa ilog ngunit ngayon natutunan ko na ang magmaneho ng sarili kong ruta. Talagang ang pag-mulat ay nakakaginhawa sa pakiramdam ngunit minsan uusbong din ang galit sa lipunan na ating kinabibilangan. Ngunit, hindi nasusolusyunan ng galit ang madilim na sistema. Dapat lang nating ibalanse ang lahat at lumaban sa diplomatikong paraan gamit ang mga bagay na ating napupulot at natutunan.
4 notes ¡ View notes
its-asteracire-stuff ¡ 5 years
Text
"MARILAG?: Pagkalunod sa Pelikulang Mundo"
Oktubre 15, 2019, 2:35nu
Sa panulat ni Asteracire
(Si Kristo, Ronnie Poe, at iba pang "Idolo": Apat na Pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino ni Nicanor G. Tiongson)
PAALALA: Ang mababasa ninyo ay (masining at malikhain) na paglalaro at pagbali ng may akda sa natural na pagsusulat ng mga artikulo. Ito ay upang bigyaang diin ang 'pelikula' maging ang mga puntos na dapat bigyang pansin hango sa orihinal na akda ni Nicanor G. Tiongson.)
Mga Tauhan: (hango sa deskripsiyon ng orihinal na akda)
Pilipino/Indio - may kayumangging kulay na kadalasang magiging utusan o kaibigan o kulang-kulang sa mga eksena dito
Kastila - mga mestiso o maputi na mistulang larawan ng kagandahan
Amerikano - inihahalintulad sa manikang makikita sa estante ng mga modista
Tagpuan:
Ang pagpapalit ng lokasyon mula sa simbahan patungo sa sinehan sa paglipas ng panahon. Maipapakita ang sistema ng pagkahumaling ng mga Pilipino sa magkaibang tradisyon na iniwan ng mga dayuhan.
Unang Yugto: Ang pagtatagpo ng mga karater
Magsisimula ang lahat sa paghahambing ng mga tauhan. Papasok ang mga tanong na bakit nga ba mas maganda sa mata ang kulay ng gatas kaysa sa kulay ng kape? Makinis na kutis. Bilugang mata. Hugis pusong mga labi. Ang mga katangian na pinipilit inaabot maski ng magkaibang kasarian. Ngunit, ang mga karakter ay may katangiang iba sa isa't isa. Kaya't pag nagkadaupang palad ay mas kawawa ang kung sino man ang malayo sa depinisyon na inilatag sa paksang kagandahan. Mas napapangibabawan ng dalawang karakter (Kastila at Amerikano) ang huli (Pilipino) kung kaya't tinitingala at animo'y lagpas sa idolo kung ituring niya ang mga ito. Lumabis na sa sukdulan ang pag-gaya upang maging kawangis niya ang mga ito. Hanggang sa tangkilikin sa puntong hindi na kumain mabili lang ang produktong pampinta na mag-tatanggi sa kanyang hinubog na konseptong 'pangit na lahi'.
(Sa tipikal na istorya, hindi niya pa malalaman na ang pangit na lahing ito'y katangi-tangi. Nagpupumilit man ang kanyang kababang uri, na kung bibigyang pansin ay handang bumasag sa depenisyon ng panibagong karikitan.)
Ikalawang Yugto: Baluktot na Paniniwala ng Pilipinong Aping-api
Mula sa pagkalugi at pagiging mangmang, mas lalo pang titindi ang paghihirap ng Pilipinong karakter. Dadamhin niya ang paghihirap na may mentalidad na ito ay wala pa sa kalingkingan na dinanas ni kristo ng siya ay ipako sa krus.
[Nakakabahala ang pagkibit sa balikat ng ating pangunahing karakter sa paglaban.]
Patuloy ang pang-aapi ng dalawa pang tauhan. Nagpakita na ng iba't-ibang emosyon ang naaapi. Dumaan sa ilang klase ng paglilibang. Naranasan na ang umiyak habang tumatawa. Ang pakikipagbakbakan sa hindi naman kalaban at pagsabayin ang sayawan at kantahan.
[Ngunit sa katotohan, ito ay listahan ng mga dibersiyon o aliw na kung saan lilingatin lang saglit ang bida upang sumabak sa panibago na namang pagsubok. Hihintayin ang pagkatapos ng araw at gabi. Paulit-ulit. Isang siklo.]
Ikatlong Yugto: Pagpuksa sa Kasamaan
Nabuhay na ang damdamin ng Pilipino. Nais niya nang labanan ang nangdudusta. Ngunit, tila ba ang paglaban ay walang katapusan. Ang mga sumusubok ay nauuwi sa pagka-abo. Ngunit, handa na siyang sumugal.
Babaliin na ang sistema.
Naglabas na siya ng kanyang mga sandata.
Ngunit... Bakit iba ang napatay niya?
[Mula sa orihinal na akda, lilitaw ang mga nagtangkang baguhin ang naturang gawi ng pelikula. Ang pasibong pagtanggap at pagdidikta sa mayorya ng mga tradisyon noon ay anay na sumisira sa kasalukuyan. Ang makabagong direktor sa industriya ng malayang pelikula o indie-films, ang nagiging daan ngayon, upang mabuhay ang panibagong estetiko, kakaibang porma ng paglalahad ng istorya na may malalim at kritikal na pundasyon.]
Ang Huling Yugto: Mapanlinlang na Katapusan
Ang akala niyang katapusan ay hindi pa pala. Hindi niya tuluyang natuldukan ang kabuktutan. Ang akala mong nawala na ay nagbago lang pala ng anyo. Mas lumalala at mas tumitindi. Pilit mang tapalan ng ating bida ang sistema at kahit patuloy man siyang magalit sa dalawang karakter na bagama't wala na ay nagiiwan pa rin ng peklat na hindi tuluyang mabura-bura.
[Ang peklat ay naging metapora upang ilarawan ang tradisyon at pagbabago (ang aliw, suliranin, sine, at iba pang nagbabanggaang gusot sa akda.) na mahirap kontrahin sapagkat ito ay nakaukit na sa kultura at gawi ng mamayang pilipino.]
Sa huli... hindi magkakaroon ng masayang pagtatapos kung hindi pa natutuwid ang mga kamalian, bahagi ng nakaraan na pilit tayong dinidiin at binabaon sa kasalukuyan. Ang mundo ng pelikula ay isang marilag na yugto na may kaakibat na aral sa huli at mag-iiwan ng kamalayan sa mga manunuod. Sa paggising ng kamalayan sabay din nating baguhin ang mundo na walang nalulunod sa kababawan.
0 notes
its-asteracire-stuff ¡ 5 years
Text
DUGTUNGAN
Sa Panulat ni Asteracire
(Blog ang Mundo: Ang Pagsasalsal at Pakikibaka sa Internet ni U. Z Eliserio)
October 15, 2019, 2:35nh
Lumikha ng pantas.
Umintindi ng abstraksyon.
Magisip ng kritikal.
Isinapuso’t isip ko na ang mga ito ang magiging laman ng kahon na aking bubuin sa paggawa ng iba’t-ibang artikulo dito sa aking blog. Ngunit, napapaisip ako lagi sa tuwing ako ay magsusulat. Mag-iiwan ba ng kintil sa mambabasa ang aking mga katha? O ako lamang ay gagawa ng isang obra na walang pinagkaiba sa pagsasalsal?
Madami ang punto at pilosopiya sa likod ng akda na ito ni U Z. Eliserio kung saan pinagtagpi-tagpi niya ang blog, mundo, pagsasalsal at pakikibaka. Dito ko nasubok ang kakayahan kong magisip sa loob at labas ng konteksto. Na may mga bagay ka na maiiintindihan at mapagninilayan tulad na lamang ng pagiging mangmang sa mundo na ating ginagalawan. Higit na tumatak sa akin ang sinabi ng aming propesor sa Filipinolohiya na, ‘hindi mo kayang magalit sa hindi mo maintindihan’. Tunay ngang madali ang lumabas sa sistemang mahirap labanan. Ngunit yun ba talaga ang pupuksa sa hindi natatapos na hikahos ng mga mamamayan?
Sa pagpasok ko sa kolehiyo, isang mahalagang kaalaman ang aking natutunan (at hindi ko aakalain na babakas sa aking isusulat.) Kailangang marunong tayong magsala ng mga bagay na ibinabahagi sa atin. Ito'y tulad na lamang sa isda na hinihimay natin upang hindi matinik. Ang masusing pagpili ng laman at pag-hiwalay ng tinik sa kabilang gilid ng pinggan ay paraan upang maiwasan ang mag-iwan ng tinik sa ating lalamunan. Ang pagpili sa kailangan at hindi sa walang kabuluhan ang dapat maintidihan ng pangkalahatan. [Dahil sa paglawak ng aking pagintindi sa mga teorya na nailahad, natuklasan ko na ang rhizome ang kaalamang kumukontra sa isa pang teorya na totalitaryanismo.]
Ang blog nga ay mundo, na hayag at malimit kinalalahukan ng kababawang bunsod ng pagkawala ng dibisyon ng pribado at publikong espasyo. Maging ang terminong pagsasalsal ay naging tulay upang tawirin ang ideya na ang pansamantalang 'ilusyon’ ay nagiging katotohanan na tinatangkilik at patuloy na binoboso. Marahil ang kadahilanan nito ay ang pag-kauhaw sa atensiyon ng mayorya na nililihis sa porma ng kapitalismong makikita natin sa telebisyon. At labis na nakababahala’t nakapanlulumo na kung ano ang 'reyalidad’ ay nagsisilbi lamang palamuti’t aliw sa mata ng nakararami.
Ang pagkakaiba ng nobela at blog sa usapin ng pakikibaka ay hindi na panibagong konsepto ngunit napahanga ako sa ideyang inilahad ni G. Eliserio. Sa aking pakiwari ang nobela ay tradisyonal na mapagmulat sa mga taong nais mag-paimpluwendiya rito.Sa kabila nito, sangayon ako na ang manunulat at mambabasa ay magkaibang mundo. Ang mundo ng pagsulat at mundo ng pagbasa. Mag-kaibang konklusyon ang malalaman natin sa pagtatanong sa dalawang persona. Habang ang blog ay may palitan ng kuro-kuro at nagpapakita ng patuloy na daloy ng mga ideya mula sa manunulat at mambabasa. Ang makabagong sandata na ang mga letra, salita at ideya ang mga bala.
Ngayon, sa iyo na nagbabasa, maaari mo na bang sagutin ang aking mga tanong? Binabasa mo ba ang aking katha ng may kritikal na mata? O napadaanan mo lang ako sa iyong pagsasalsal? O ang kabaliktaran— ikaw ang nagbabasa sa aking hayagang pagsasalsal?
0 notes
its-asteracire-stuff ¡ 5 years
Text
Ang Kwentong May Kwenta
Sa Panulat ni Asteracire
Ang Kapangyarihan ng Wika, Ang Wika ng Kapangyarihan ni Corado de Quiros
Setyembre 3, 2019, 10:08nu
Isang araw, sa malayong pook na hindi nangangailangan ng salita at pagkakaintindihan, dumating ang dayuhang babago sa lahat ng nakagawian ng mga mamamayang nakatira dito. Hindi lubos mawari ng mga mamayan ngunit para bang isang enigma ang dayuhan na nakakaakit. Hindi nila mawari ngunit tila ba may kulang sa kanila. Sa kabila ng pagtuklas at pag-alam sa bagay na inihahain ng dayuhan sa kanila—nararamdaman pa rin nila ang hindi maipaliwanag na kaibahan. Parang may mali, sa isip-isip ng mga taga-nayon. Subalit, higit na nakamamangha na kahit walang letra o ano man ay nakabubuo pa rin sila ng sistema sa pamamagitan ng mga senyales. Hanggang sa nadiskubre nila ang lihim ng dayuhan... ang wika.  Sa una’y pinagkait ngunit sa dulo’y binigyan silang hintulot upang matutunan ito. Naramdaman nila ang kapangyarihan. Ang hindi pa nila naramdaman noon, ang kahit papaanong pagkakapantay-pantay nila. Subalit, tuso ang mga dayuhan, pili lang ang kanilang mga natuturuan. Naging mapagmataas ang ibang may alam, naging higit na mababa ang mga mangmang.  Nagkaroon ng dibisyon. Ang dating mapayapa ay nabahiran ng unos. Dumidikit ang mga nais umangat sa dapat kapitan. Nabulag sila ng bagong natuklasan . Lumaganap ang kasalanan, ang pagtataksil. Hindi rito natatapos, dahil paparating palang sa kasukdulan ang lahat. May mga nagising sa pagkakahimbing. Nalaman nilang sila’y nilinlang at walang habas na niyurakan. ‘Hindi tama yan! Ito ay bayan natin!” saad ng isa. Ngunit huli na ang lahat at parang epidemya ang pagkalat ng wikang mapangpuksa. Tila sakit na walang awang pinagpapatay ang nasyonalistang kamalayan. ‘Hindi. Hindi pa huli. Lalaban tayo.” Kaya’t nagsimula sila nang pag-aalsa. Naisipan nilang gumawa ng panibagong sandatang ipangtatapat sa mga nanlulupig at walang iba ito... kundi ang sariling wika na sila mismo ang nagtaguyod. Kumilos at nagtulungan. Hanggang sa ma-alarma ang dayuhan at nagkaroon ng madugong usapan. Sa huli, dahil sa sunod-sunod na pakikipagtalastasan ay lalong lumakas ang pwersa ng nasabing nayon. Natutunan nilang gumawa ng sariling mga kagawian. Na mas  malakas kung sila ay may sariling wika at hindi nakadepende sa iba.
Wika pa rin ang nagbubuklod at magkakaisa sa isang nasyon.
Sa aking ginawang maikling istorya lalabas na ang pagtuklas sa kung sino at ano ba tayo ay napakamahalagang gawi upang malaman natin na hindi natin kailangang dumepende sa iba. Mag-iiwan ng mabigat na pakahulugan na ang pagbabasa at pagiging maalam ay tanda ng kung paano ang isang indibidwal ay nakapag-iisip. Ang wika at mga salita ang bumubuo ng kapangyarihan. Kung nakadepende sa kung sino ang maalam sa ingles ang kakayahan ay tila ba para tayong tutang nahihibang. Minulat sa atin ang pagyakap ng ibang wika na nanlilinlang at sumasakop sa ating intelektuwal. Ang wika ay kultura at sensibilidad. Pakinggan mo ang taong iyong kaharap at kung paano siya magsalita ay matutuklasan at makikilala mo siya. Halintulad na lamang ng parehong anyo ng dalawang estudyanteng nag-uulat ngunit sa pagbigkas ng katha ng dalawa malalaman ng guro ang kanilang intelektuwal na kapasidad. Dito na rin papasok ang mga naghaharing uri sa lipunan. Na kung sino ang magaling sa ingles ay tunay nga namang nakabibilib. Hindi alam ng lahat na ang wikang Filipino ay malalim na uri ng wika sa iilan o sa mga dalubhasa sa wika na ito, sapagkat ang katotohanan ay kahit tayo ay pilipino, hindi natin alam o batid ang tunay na kahulugan ng mga salita sa ating sariling wika.
Nag-alab ang aking damdamin na mahalin ang ating wika higit sa ano pa mang lengguwaheng maaaring aralin. Naisip ko na maaaring solusyon ang pagsulong sa pag-gawa ng  mga institusyon na bumubuo ng mga katha sa wikang filipino na makikita sa ating pelikula, tula at mga kanta. Naglalayon ito upang mas mapalaganap ang pagsasalita ng aktibo sa wikang filipino. Sino nga naman ang tatangkilik sa gawang pinoy kundi ang pinoy din. Sa pagbabalik ng nakaraan kailangan nating maging maalam. Sa pagiging maalam ay tunay nating makikita kung bakit kailangan nating yakapin ang kung anong atin.
0 notes
its-asteracire-stuff ¡ 5 years
Text
Dilim sa Pangarap na Bituin
Sa panulat ni Asteracire
Agosto 14, 2019, 9:17nu
Edukasyon para sa Iilan: Kung Bakit Asal-Mayaman si Pedrong Maralita ni Bienvinido Lumbera
Kapag tayo ay tumingin sa kalangitan, matatanaw natin ang kinang na madalas nating bulungan ng mga natatangi at inaasam na hiling. Ngunit, paano kung may nagkukubling dilim sa bituin na may iba’t-ibang ugat ng kasaysayan at lihim?
Marahil isa ako sa mga kabataan na naghangad makapasok sa mga pantanging paaralan. Hindi lamang sa kalidad ng edukasyon, kundi sa ‘mataas na pagtingin’ na naiibigay kaakibat ng mga 'pangalan’ na ito. Iba nga naman ang reaksiyon ng kinabibilangan mong komunidad sa kung saang eskwelahan ka galing. Aabot pa ito sa bulungan ng mga chismosang nanay na nagpapaalala sa kanilang anak na… ‘iyan si kwan, yung anak ni ganito, nagaaral sa ganyan kaya ikaw pag-butihan mo sa pagaaral at gayahin mo siya’. Bukod sa kilala ang unibersidad mo, tiyak na ‘instant celebrity’ at ‘role model’ ka pa ng anak ng mga kapitbahay mo. Isa ito sa mga nakatatawang motibasyon upang piliting magsumikap ang mga anak na pinoy. Ito ay isang halimbawa nang pagmuni-muni sa kultura’t kagawian ng mga pilipino. Pati ang mga palabas sa sine at maging sports program ay isa rin sa platapormang dahilan ng pagkamulat sa ganitong uri ng mentalidad. Magmula sa UAAP na kinalalahukan ng mga prominenteng unibersidad tulad ng Ateneo, Unibersidad ng Santo Tomas, La Salle, Unibersidad ng Pilipinas at iba pa. Sino nga ba ang hindi mahahalina sa pagalam ng kung ano ba ang pakiramdam na mapabilang sa ganitong uri ng paaralang pinagmulan ng mga kilala’t iniidolong personalidad kagaya nila Atom Araullo (UP), Angel Locsin (UST), Allysa Valdez (ADMU), at Jeron Teng (DLSU).
Sa kabila ng kulay ng iba’t-ibang paaralang pantangi ay nakaangkla ang walang katapusang suliranin at tunggalian ng mayaman sa mahirap. Kung pagbabatayan ang artikulo na isinulat ni Bienvinido Lumbera ay sasalamin ang mga batayan ng pagtatangi sa mga tao—na kung saan ang lahat ng ito ay nauuwi sa kung sino ang may kakayahan o kayamanan. Na ang talino at kayamanan ay maaring palitan ng impluwensiya na siyang marahil ugat ng walang tigil na pagsulong ng mga alta at patuloy na pagsadsad ng mga maralita sa lipunan.
Ang mabigat na halimbawa na tumagos sa akin ay ang kursong liberal arts na tinatatak ng lipunan  na pang-mayaman at ang mga pipili lamang dito ay ang mga estudyante na hindi naghahangad ng pera. Ito ang nakalulungkot na reyalidad para sa lahat ng may puso at nangangarap na mapunta sa kursong ito. Bukod sa mahal ang mga kagamitan ay kalimitan mga mamahaling paaralan rin ang naglilinang sa mga tatahak ng ganitong daan.
Alinsunod nito, ang pagnilay na kaya ba hindi maintindihan ng mayaman ang mahirap ay buhat ng kabulagan sa kung ano ba talaga ang ‘hirap’ at ‘kahirapan’. Kung pagbabatayan ang uri ng pakikisama, mentalidad at asal, nakapaloob na kung sino ang isang indibidwal ay naka-pokus na ito sa sarili’t wala na ang tingin sa iba. Sa madaling salita ang sariling progreso at kaunlaran ang mas pinagtutuonan ng pansin ng bawat isa. Wala namang masama na unahin ang sarili ngunit ang kasakiman sa ikakaunlad ng lahat at ng lipunan ay masama. Sa optimismong banda o sa utilitaryan na pagiisip, maganda ang mabuhay na isinusulong ang kabutihang ng nakakarami para umangat ang isang bansa.
Kailangan natin malaman ang higit at mas malilim pa na konteksto ng edukasyon na hindi lamang nakakulong sa kababawan at gawi. Tunay nga na ang edukasyon ay isang behikulo tungo sa pagbabago ngunit bata pa lamang ay batid na ito. Namulat tayo sa kasabihan na ang edukasyon ang susi sa tagumpay at kung wala tayong alam, wala rin tayong sensibildad upang lumaban sa mapang-abusong sistema sa lipunan na mahirap buwagin. Kawangis ng kaaway ang nasa itaas kaya’t upang sinayan ito ay subukan nating akyatin ang tatsulok.
Napagtanto ko na kung andoon ang pasyon mo sa isang bagay ay kailangan mong pagsilabin ito.  Tulad na lamang ng pagaasam natin na maabot ang bituin. Kailangan natin magsumikap na sa kabila ng pang-dudusta ay mananatili lamang ang silay ng ating mga labi. Ngunit hindi dapat sa lahat ng sitwasyon. Para sa pagtatapos, hintayin nating makamit ang balanse o ekwilibriyum ng mundong magkaiba. Pilitin natin tuminigin sa positibo—gamit ang kritikal na mata upang patuloy nating makita ang liwanag—kahit pa may madilim na anyo ang bituin na nagniningning.
0 notes
its-asteracire-stuff ¡ 5 years
Text
SA LAHAT NG LALAKING MANLOLOKO
Sa panulat ni Asteracire
(Edukasyong Kolonyal: Sanhi at Bunga ng Mahabang Pagkaalipin ni Bienvinido Lumbera)
Agosto 13, 2019, 11:13nu
Sa Panulat ni Asteracire
Dekada na’t hindi ka pa rin ba nadadala? Bakit ba natin patuloy kinakain ang mabubulaklak na sinasabi nila?
[hindi ko pa kaya]
Sa tuwina naiisip ko na ang hirap pa lang umalis sa gapos, lalo na’t kung ang tali na ginamit sayo ay pumupulupot na sa kadulo-duluhan ng iyong katawan. Ang hirap bumangon kung babalik ka lang sa isang siklo ng pangyayari. Nakakasakal ang bawat pag-galaw.
[sinungaling]
Nagsimula sa pagkakaibigan. Yung nangako ka na handa mo akong tulungan sa kahit ano pa man. Nanggaling na ako sa luha’t hinagpis ng aking mapait na nakaraan pero bakit ngayon, ikaw naman ang magmamalupit at yuyurak ng aking karinlan? Pinaniwala mo ako sayo. Naniwala ako sa ilusyong hatid mo. Nilason mo ako sa ideya na hindi ako magiging kolonya mo. Na hindi na ulit. Hindi ako pagmamay-ari ng kahit na sino. Na ikaw at ako. Hindi para sa ikaw lang. Sabi mo saglit lang. Ngunit bakit parang gusto mong magtagal? Dahil ba talaga ito sa ikabubuti ko? O para sa sariling kapakanan mo?
[hindi kita maintindihan!]
Ang ugnayang nauwi sa kumplikadong relasyon, at ako ang tagilid. Sa ilang kontrata na ako ang laging talo at ikaw ang naiiwang panalo. Ang walang habas mong paggiit sa pantay na karapatan sa aking mga yaman. Yaman mo? Yaman ko? Hindi pa ba sapat na ibinigay ko sayo ang tiwala ko? Tigilan mo ako sa usaping yaman! Dahil mas mayaman ka. Lagi na lang ba ako ang lugi sayo? Na kaya mo akong paikutin sa palad mo, na animo tutang kakahol ng walang sablay. Ilang presidente na ba ang napaluhod mo? Singlakas ng impluwensiya ng wika mo. Malakas ka. Walang pagdududa. Wag mo ako bigyan ng imperyalistang pananaw! Ihinto mo ang pag-bilog sa akin sa prosesong nilatag mo. Magsisimula sa kasaysayang iminulat mo. Patungo sa edukasyong inihain mo’t walang tulak kabigin na hinahangad ng mga anak ko. At sa huli, ang pulitikang baluktot na kagaya mong mapagmalinis. Isang buong sistemang dulot ng walang katapusang panghihimasok.
[tama na.]
Tapusin na natin ang ating samahan. Itigil natin ang nakakalasong yugto ng pagsasama. Salamat sa mga regalong iyong binigay na laging may kapalit. Sa mga tulong na iyong inabot na bunga ng ilang daang pagkamatay. Palayain niyo ako’t hayaang tumayo mag-isa. Sa kung paanong pinapalaya kita’t hinahayaang tumakas sa naiwan mong mga sala. Kasalanan ko rin siguro ang pagiging martir at tanga. Nakakatawa’t para kang malayang ibon kung ako'y saktan. Hayaan niyo ako mahalin ang sarili ko. Nilatag mo sa akin ang konsepto ng globalisasyon, nakakahalina oo, pero bakit kailangang mag-anyong alipin ako?
[paalam]
Patuloy pa rin ang ating mapait na kabanata. Na ang diwa mo'y patuloy na magkukubli sa lilim ng bawat kong hakbang. Paalam na sana, sa walang tigil na pagkutya ng soberanya. Hindi ka ba nagtataka? Kung bakit ako'y naririto pa? Na kahit sa paulit-ulit na sanggayong panahon ng hindi pagkatuto ay lalaban at matatauhan pa rin ako! Sa nakaraan ako nagigising sa lahat ng bangungot at dito ko bubuksan ang aking mga mata sa kapalaran na patuloy na darating kaya’t paalam at tayo'y magkita sa muli kong pag-gising.
0 notes