Tumgik
updiestro · 5 years
Text
EDUKASYON BILANG LUNDAYAN NG PAKIKISANGKOT SA MASA
Bilang huling araw ng “common modules” ng NSTP, muling pinaunlakan ni Prop. Athena Presto ang imbitasyon upang maging tagapagsalita hinggil sa “Citizenship and Nationalism” Una ninyang ipinaliwanag ang kaibahan ng “nation”  at “state.” Ang huli’y tumutukoy sa aspektong politikal habang ang una nama’y sumasaklaw sa kultural na salik at/o tumutugon sa katanungan kung sino ang kabahagi ng “bayang Pilipino.” Kontekstuwal ang ganitong usapin sapagkat ang “kaisahan” ng isang indibidwal ay maaari ninyang igiit basta’t may simbolikal na interaksiyon na siya sa isang nasyon. Bilang halimbawa ay iyong mga artistang kahit na may dugong banyaga ay mas kinikilala ang sarili bilang isang “Pilipino” dahil, giit nila, nananalaytay na ang dugong Pinoy sa kanila. Walang masama rito, ayon sa tagapagsalita—isa lamang itong patunay na neutral ang konsepto ng nasyon. Walang limitasyon o barikada makahahadlang sa “pakikiisa” ng isang indibidwal sa isang “nasyong” kaniyang kinikilalang tahanan (o ikalawang tahanan, ‘ka nila). Sa kabilang banda, dapat ding matutuhan na neutral din ang “nationhood” o nasyonalidad. Ang usaping ito ay may historikal na kontekstong dapat na siyasatin sapagkat ang bawat bansa ay may iba-ibang pagtingin sa nabanggit na konteksto. Sa Pilipinas, halimbawa, ang susing-salitang ito ay isang positibong nosyon sapagkat ito ay tumutukoy sa mahabang pakikibaka ng mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay mula panahon ng pananakop hanggang kung ang estado’y nakararanas ng isang dispotikong pamamahala. Sa madaling sabi, ang “nationhood,” para sa atin, ay isang lundayan ng ating pakikibaka sa pagpapalaya nga ating bansa. Sa puntong ito, mahalagang tingnan ang historikal na konteksto ng mga Kanluraning bansa, lalo na sa Europa, na ang konsepto ng “nationhood” ay nakapagpapaaalala sa kanila ng madilim na kasaysayan ng diktadurya, malawakang pagpatay (genocide), at mga karima-rimaring na kaganapan. Sa huling bahagi ng talakayan, nabanggit ng tagapagsalita ang kahalagahan ng “aktibismo” sa loob at labas ng Unibersidad ng Pilipinas. Malaon na ang ating pakikibaka sa tunguhing makatamasa ng mas maayos na estado sa panahon ng pangingikil. Gusto kong bigyang pansin ang ibinahaging sipi ni Prop. Presto: 
Politics is pervasive. Everything is political and the choice to be “apolitical” is usually just an endorsement of the status quo and the unexamined life” -Rebecca Sonnet
Isinusulong nito na  sa mundo kung saan nagtutunggalian ang iba’t ibang ideolohiya, walang bagay na neutral—kasangkot ang tindig na ito sa pagpapanatili sa kung anong dominanteng ideolohiya na karamihan ay lagi’t laging nagpapalakas sa dominansya ng mga elit. Mahalaga ang pagsusuri sa mga sarili sapagkat aanhin mo ang “intelektuwalisayon” sa loob ng mga pamantasan kung ang produkto lamang ng mahabang  pag-aaral ay isang apolitikal na intelektuwal na walang pakikisangkot sa masa. Sa ganitong lagay, ang pinakanatutuhan ko sa huling talakayan ng NSTP Common Modules ay ito: Sadyang magandang layunin ang pagpapanday ng ating mga sarili sa ating mga pamantasan. Ngunit ang pinakadalisay at pinakatunguhin ng isang “tunay na  edukasyon” ay ang pakikisangkot sa masa. Muli, aanhin mo ang iyon edukasyon kung apolitikal at himud-himuran sa mga burukrata’t kapitalistang elit. Ang aktuwalisasyon ng “citizenship” at “nationalism” ay lagi’t laging nakaangkla sa ikabubuti ng masang api, sa ikauunlad ng ating “nasyon” at/o “estado” na ating kinabibilangan.
0 notes
updiestro · 5 years
Text
ORIENTATION: ANG NSTP SA UNIBERSIDAD NG PILIPINAS AT ANG HAMON SA KASALUKUYAN
Matayog ang tunguhin ng NSTP (National Service Training Program) bilang isang abenida ng pagpapaunlad sa patriotismo ng bawat mag-aaral na lagi’t laging nakaangkla  sa pagtataguyod at pagkikintal ng kahalagahan ng  “civic consciousness” at “defense preparedness.” Isa rin itong paraan ng pagpalakas sa etika ng pagseserbisyo sa mga mag-aaral para sa pampublikong paglilingkod. Kagaya ng Rizal Law na isang kahingian bago ang pagtatapos, nakabalangkas ang progaramng ito sa konstitusyon. Isinabatas ito noong 2001 sa RA 9163 kung kaya’t ang bawat mag-aaral sa kahit anong pampubliko’t pampribadong pamantasan ay kailangan matapos ang kahingian na ito para makapagtapos sa kanilang Batsilyer at/o makamit ang kanilang sertipiko . Malaon na ang kasaysayan ng programang ito. Magmula pa taong 1935, panahon ng Commonwealth—kung saan binigyan ng pagkakataong “makapag-isa” ang bansang Pilipinas matapos ang mahabang pangingikil ng dalawang magkasunod na kolonisador. Kaugnay nito, isinailalim ang mga lalaki, taong 18-30, sa isang serbisyong militar  upang mas lalo pang mapaigting ang kamalayang matagal na nayurakan ng mahabang kasaysayan ng pananakop. Habang taong 1980, matapos ang madilim na yugto ng kasaysayan sa PIlipinas sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos, muling nilayon ng bansa na maglatag ng isang programma na nakaangkla sa P. D. 1706 (National Service Law) na kumuha ng isang pagsasanay kaugnay ng  “civic welfare service, law enforcement service, at military service. Habang noong 1991 naman, nagkaroon naman ng pagsasanay sa tinatawag na “citizen soldiers” sa pagsasanay sa programa ng ROTC. Bilang isa ngang kahingian, ang bawat mag-aaral ay dapat kumuha ng hindi bababa sa dalawampu’t limang oras na pag-aaral sa tinatawag na “common modules” bago dumiresto sa komponent ng NSTP 1 at 2. Ang  nabanggit na “common modules” ay sumasaklaw sa mga pagtuturo na nakatuon sa mga kahalagan ng kabatiran sa mga isyung panlipunan at kung paano ang mga ito ay matutugunan (hindi lamang matutuhan) kundi ikinikintal sa bawat kabataan na sa kolektibong aksiyon ay maaari itong masolusyonan (kahit papaano).
Matapos ito, maaari nang dumiretso ang mag-aaral na nakatapos na sa “common modules” patungo sa NSTP 1 at 2.  Maaaring kuhanin dito ang tatlong komponent—na kahit magkaiba pa ang pokus ng pagsasanay—ay lagi’t lagi pa ring nakatuon sa sibikong pagsasanay sa mga estudyante nang sa gayo’y mapaigting pa ang “kamalayan” ng mga ito para makapaglapat ng tulong sa lipunan.  Kaugnay nito, maikikintal sa mga mag-aaral na, kahit magkakaiba man ang kani-kanilang mga larang at/o interes na propesyon, maraming abenida at inisiyatibo upang makatulong sa lipunan. Nakabalangkas ang LTS (Literacy Training Service) sa layong makisangkot sa mga isyung may kaugnayan sa pangagailangang literasi . Maganda itong kuhanin ng mga may interes sa pagtuturo nang makita nila ang realidad na may mga kabataan pa rin na dahil sa estado ng pamumuhay ay hindi na makatapak pa sa loob ng silid-aralan. Sa ganitong lagay, maaaring makakuha ang bawat isa ng isang “kamalayan” nang sagayo’y makapag-ambag pa ang mga mag-aaral sa pamantasan upang tugunan ang isyu sa literasi. Ayon nga sa isang panayam  ng Service Tatak UP kay Grace Maglunod,  isang kawani ng NSTP Diliman Office, ang mga mag-aaral na interesado sa ganitong pagsasanay ay maaaring mag-enrol sa Kolehiyo ng Edukasyon at Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya. Samantala ang CWTS (Civil Welfare Training Service) ay nakaangkla sa tunguhing mabuksan ang kamalayan ng bawat mag-aaral kaugnay sa mga isyung panlipunan. Malawak ang saklawin nito sapagkat natural na sandamakmak at katakot-takot na mga isyung panlipunan; kung kaya, sa ganitong lagay ay malaki ang magiging bahagi ang pakikisangkot ng mga mag-aaral upang matugunan nga ito.  Marami sa mga kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas ang naglalatag ng ganitong pagsasanay dahil bukod sa ito ang may pinakamaraming demand, ay dapat na mabatid ng bawat mag-aaral na ang bawat propesyon na tutunguhin ng bawat isa ay maaaring mailapat din bilang tulong pangsibil. Panghuli ang ROTC (Reserve Officers’ Training Corps) na naglalayong mahubog ang mag-aaral sa mga saklawin ng military na serbiso. Sa panahon ng giyera, ang mga nakapagtapos sa ganitong pagsasanay ay hihingiin ang serbisyo nila bilang mga citizen’s armed forces ANG UP BILLANG ISANG PUBLIC SERVICE UNIVERSITY Ayon sa isang panayam kay Prop. Nestor Raneses sa UNLAD Pilipinas,  mula nang itinatag ang Unibersidad ng Pilipinas noong 1908 ay ipinroklama nang isang pambansang unibersidad ng Pilipinas. Bantog na sa katawagan ang mga mag-aaral sa UP bilang “Iskolar ng Bayan” sapagkat ang ideolohiyang itinatampok sa loob ng unibersidad ay lagi’t laging nakaangkla sa pagsisilbi sa bayan. Habang binubuo ng iba’t ibang konstituents ang “UP System,” at may kani-kanilang espesyalisasyon, (hal: UPM – Medikal, UPLB – Agrikultural, atbp.) nakabalangkas ito sa paghubog sa mga mag-aaral sa UP upang makisangkot sa mas malaking pangangailangan ng bayan. Kung kaya’t ang NSTP ay isang kongkretong mekanismo upang maipakita sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng pampublikong serbisyo para sa bayan. May  kakayahan itong makapagtampok ng isang “kamalayan” upang ang bawat Iskolar ng Bayan ay lumikha ng mga  proyektong nakaangkla sa pagpapaunlad ng serbisyo. PADAYON
Muli, ang pinakatunguhin ng NSTP ay makapaghubog ng mga mag-aaral na may sapat na kamalayan upang makisangkot sa kani-kanilang mga lipunan.  
Simbolikal ang yugto ng pagtatapos ng bawat mag-aaral sapagkat magkakaroon na siya ng direktang ugnayan sa kaniyang lipunan. Bilang ang NSTP nga ay isang abenida sa pagkikintal ng patriyotismo sa bawat isa, mahalagang maisabuhay ang mga natutuhan dito sapagkat krusyal at nakatuon sa realidad ang tinatalakay rito.
Iginiit ni Prop. Winnie Monsod na laging isabuhay ang motto ng unibersidad—“Honor and Excellence.” Bilang isang estudyante ng Agham Panlipunan at Humanidades, naniniwala ako na mahalaga ang gampanin ng bawat isa upang makapaglunsad ng isang kolektibong aksiyon upang langkapan ng tamang pagtugon ang iba’t ibang kahingian at/o pangangailangan ng lipunan. Nakalulungkot man pero tila nakapaghuhubog ang mga unibersidad ng isang apolitkal na propesyonal na minsa’y lalo pang pinapatatag ang barikada sa pagitan ng mga elit at masa. Sa madaling sabi, imbes na sa masa ang pagsangkot ay lalo pang nagbibibay-lakas sa dominansiya’t hegemonya ng mga burukrata’t kapitalista sa lipunan.
Ang hamon, kung gayon, ay ilapat ang bawat propesyon natin sa pagtataguyod ng pambulikong serbisyo. Iginigiit ng ilan na masiyado itong ideolohikal pero, para sa akin, isa itong hungkag na alibi sapagkat maaari nating iangkla ang bawat larang/propesyon sa ating mga adbokasiya. Lagi’t laging mula sa bayan, para sa bayan!
0 notes
updiestro · 5 years
Text
ISANG SOSIYOLOHIKAL NA PAGSIPAT SA KASALUKUYANG ESTADO NG  LIPUNAN
Para sa paksang may kaugnayan sa “Philippine Society and Culture,” nagkaroon ng isang napakabuluha’t napakainteresanteng pagtalakay sa pangunguna ni Prop. Athena Presto mula sa Departamento ng Agham Panlipunan at Pilosopiya. Gusto kong bigyan ng pansin ang paraan ng pagtalakay ng tagapagsalita sapagkat sa kabila ng mga kumplikadong konsepto ng iba’t ibang salitang pangsosyolohikal ay nagawa niyang diskursuhin ito sa paraang madaling maiintindihan ng mga tagapakinig lalo na iyong mga wala gaanong “paunang kaalaman” hinggil dito.
Gising na gising ako sa talakayan ngayon dahil napag-aralan ko na ang mga ito sa dati kong kurso (BA Sociology  - UPLB) na para bang nagmistulang isang “crash course” ito sa akin.
Nagsimula ang presentasyon sa pagtatalakay ng Sociological Imagination  ni C. Wright Mills--ang kahalagahan ng pakikisangkot ng indibidwal sa pangmalawakang konteksto. Bagamat naiipit tayo sa kaniya-kaniya nating pamumuhay (isang pribadong aspekto) pero hindi tayo makaiiwas sa katotohanang apektado tayo ng mas malawak na kontekstong pampubliko. Mahalaga rin ang salik pangkasaysayan dito sapagkat naiuugat natin na katambal ng kasaysayan ang mga kaganapan sa kasalukuyan. Anupaman, maaaring makatulong ito sa pagpapalawak ng ating mga perspektiba sa kung paano sisispatin ang  kaligiran ng kasalukuyan at ang mga isyung nakapaloob dito.
Tinalakay rin niya ang konsepto ng norms na tumutukoy sa mga bagay na katanggap-tanggap sa isang lipunan na hinuhubog at idinidikta ng mga tao sa loob ng isang kalinangan.  Ibinahagi ninyang halimbawa ang masugid na pagtangkikik ng mga tao sa panonood sa Raffy Tulfo in Action. Isa itong manipestasyon sa kung paano natin binabaling ang ating atensiyon sa mga ganitong uri ng panuorin upang panandaliang limutin ang realidad. Wala namang masama rito subalit kapag naging isang alternatibo ito upang limutin ang mga kaganapan sa buhay at naisasantabi na ang mga hamon sa buhay ay tila nagiging hungkag ito sapagkat ang “kasiyahan” ay naiuugnay na lamang dito. Isang napakababaw na anyo ng kasiyahan. Isa pa, naisasantabi rin ng mga ganitong usapin (hal: away ng magkakapatid na Barretto), ang mas malaki sanang mga isyu na dapat pag-usapan at bigyang pansin. Mantakin mong nakakalimutan ng masa ang pakikibaka ng mga magsasaka para may makain, ng mga kapatid na katutubo sa kanilang laban kontra Kaliwa Dam, natatalikdan din ang mga isyung panlipunan ‘gaya ng walang habas na patayan, at ang tuwirang pagmamanipula ng mga payasong politiko sa masa. 
Gusto ko ring tingnan ang isang FB profile picture frame  na kamakailan lamang ay kumalat sa social media. Nakagagalit kung paano ang “nakatutok na baril” ay tila naging isa nang normal sa kamalayang Pilipino. Napakasensitbo nito sapagkat mas lalo pa nitong inuudyok ang karahasan.  Gayun din, ang nakaiinis na paglalapastangan ni Apollo Quiboloy na siya raw ang nagdulot ng sunod-sunod na paglindol sa Pilipinas. Huwag daw siyang galitin lalo sapagkat baka pindutin niya pa ang “vibrator ng mundo.” Sa lipunang pawang kahungkaran ang nagiging trend, lubhang importante ang pagiging kritikal sapagkat ang pagsang-ayon na lamang sa mga kaganapan sa lipunan ay nagbibigay-lakas sa mga payasong tila ginagawang entablado ng kalokohan ang politika’t relihiyon. 
Sa pangkabuuan, muli,  nakaangkla ang diskusyon sa kung paano dapat maging kritikal ang bawat isa sa atin bilang bahagi ng malaking lipunang ating kinabibilangan.  Napakahalaga ng gampanin ng bawat isa sa atin sa pakikisangkot sa mga usaping panlipunan sapagkat nakataya sa kolektibong pakikiayon sa kung paano mababalikwas o mapapanatili ang iba’t ibang ideolohiyang umiikot sa ating lipunan.
0 notes
updiestro · 5 years
Text
HINGGIL SA ANTI-SEXUAL HARASSMENT CODE NG UP
Ang paksang ito ay halaw sa isinagawang talakayan ni Dr. Remedios P. Mandiguing, mula sa Office of Anti-Sexual Harassment, hinggil sa Anti-Sexual Harassment Code ng Unbersidad ng PIlipinas.
Pinaalalahanan niya ang bawat Iskolar ng Bayan na maging kabahagi sa pagpapanatili ng isang pamantasang ligtas sa mga ganitong klase ng pang-aabuso. Maisasakatuparan ito, ‘ika ng tapagasalita, sa simpleng pagsusumbong sa mga kasong katulad nito. Ang sinumang mapapatunayang nagkasala ay makatatanggap ng karampatang parusa lalo na’t nakasulat ito sa sa batas, partikular na sa RA 7877 (Anti-Sexual Harrasment Act of 1995) na naggigiit na isang paglabag sa batas ang mga ganitong uri ng pananamantala lalo’t higit sa eskuwelahan.
Mahalaga ang ganitong talakayan lalo na’t may mga kaso pa rin na mismo rito sa loob ng UP, may nagpapahayag ng misogynistic na pangyuyurak sa mga kababaihan.
Mula rin sa talakayang ito, naipabatid ang mga karampatang parusa na ipapataw sa kung sinumang mapapatunayang nagkasala. Mahalaga ang ganitong pagpapapabatid sa bawat isa—mula sa mga estudyante hanggang sa mga propesor at manggagawa sa loob ng unibersidad—upang masiguradong mapanatili ang isang ligtas na komunidad.
Hindi ko  batid kung may mga sikolohista sa loob ng Office of Anti-Sexual Harassment. Anupaman, ang ganitong pananamantala ay malaki ang naidudulot sa sikolohikal na estado ng isang biktima--kung kaya’t mahalaga ang gampanin ng isang sikolohista sa mga ganitong uri ng isyu. Nakalulungkot man pero hindi naman lahat ng tao ay may sapat na lakas at determinasyon upang magsumbong. Sapagkat isa itong napakasensetibong usapin, nakalulugmok man, ay kinakamkam na lamang ng isang biktima ang nangyari. Naniniwala ako na malaki ang gampanin ng maingat na pagtatanong sa isang biktima—mas mabuting may tamang pinag-aralan sa paghahawak sa isang pasiyente ang tumugon sa oras ng pagsisiyasat sa kaso.
Gayundin, ang talakayang inihatid—sa aking palagay—ay isang mabuting lundayan ng pagpapalakas sa mga biktimang nanatili na lamang pipe. Pinapalakas nito ang loob ng bawat isa na kung naabuso e, may mga taong makikinig at makagagawa ng hakbang upang palagutin ang kung sinumang mapang-abuso (lalo na sa kapangyarihan).  Nabanggit din ng tagapagsalita na tumtanggap sila ng mga kaso kahit matagal na ang lumipas (basta’t may sapat na ebidensiya o matapat na pagkukuwento ng mga kaganapan).
At gaya nga ng sabi ni Dr. Mandiguing, napakahalaga ng tungkulin ng bawat isa sa pagtataguyod at pagtitiyak na walang tao, anuman ang kasarian, ang maha-harass.  Sa totoo lamang, nalulungkot ako  (sino bang hindi?!) sa tuwinang nakasasaganap ng balita hinggil sa sexual harassment cases sa loob ng pamantasan. Oo nga’t hindi ito maiiwasan kahit saan man, pero nakadidismiya talaga na ang isang unibersidad na nagpapahalaga sa “honor” and “excellence” ay minsa’y nakakalimot sa mga ganitong pang-abuso. Anupaman, nakatutuwa na maraming kalipunan sa loob ng unibersidad na tumutulong sa loob at labas man, upang siguraduhin na matulungan ang mga biktima.
Muli, mahalaga ang partisipasyon ng bawat isa sa lahat ng isyu upang mapanitili ang kaayusan sa isang lipunan.
0 notes
updiestro · 5 years
Text
3Rs: Abenida ng Pagbabanyuhay ng mga Bagay-bagay
Unang pinasinayaan ni Engr. Kristian July Yap ang kaniyang presentasyon na pinamagatan niyang “Environmental Management: Focus on Solid Waste Management.” Nakatuon ang talakayan sa pagtatampok ng kahalagahan ng tamang segregasyon ng mga basura—ang kahalagahan ng reduce, reuse and recycle.
Ang kolektibong aksiyon na nakasentro sa 3Rs ay isang napakahalagang hakbang upang matugunan ang kahingian sa isa sa mga inihaing tunghuhin ng United Nations sa “Sustainable Development Goals” na tinatangkang kamtin pagdating ng taong 2030. Ito ay isang set ng mga lunggati’t adhikain sa iba’t ibang aspekto/larang (kahirapan, giyera, agrikultura, edukasyon, kalikasan, atbp.) para masigurado na sa bawat aksiyon ng bawat institusiyon ay hindi mapupuwersiyo ang kinabukasan ng mga susunod pang henerasyon. Itinuturo na ang “reduce-reuse-recycle” mula pagkabata natin (hanggang sa kolehiyo pa nga) lalo na sa mga asignaturang nagpapaalala sa kahalagahan ng pagkalinga sa kalikasan. Kahit na parati itong itinuturo sa atin, sa kabilang banda, hindi naman gaaanong nabibigyan ng tamang atensiyon. Gusto kong tingnan ang isyung ito na dulot ng kaginhawaang  hatid ng teknolohiya na minsan ay mas ginugusto na lamang nating bumili ng bago at itapon na lamang ang mga bagay-bagay na sa tingin natin ay hindi na kailangan pa o may depekto na. Isinasantabi natin, hindi man tuwiran, ang abenida ng pagbabanyuhay ng mga bagay-bagay. Minsan pa nga’y naririnig ko sa mga kakilala na mas makamumura at/o makatitipid pa ng oras ang bumili na lang ng bago—kung kaya’t ang maaari pa sanang mai-recycle ay naisasama na sa tambak ng basura na matagal (o may ilan pa ngang hindi na made-decompose) bago maging pataba. Sa ganitong panahon, mabuti talagang magtampok ng mga paraan upang magamit ang 3Rs upang tulong na rin natin sa kalikasan. Hindi lamang ito isang paraan ng pagka-creative, isa rin itong pagpapakita ng concern sa ating kalikasan.
Gayun din, pinaalalahanan din ng tagapagsalita ang bawat isa sa kahalagahan ng tamang segregasyon. Nakatutuwa lamang na ang aking kasalukuyang tinitirhang komunidad sa may Brgy. UP Campus ay may programang ipinatupad para masiguradong malinis at nahahakot nang wasto ang mga basura sa barangay. Dalawang beses kada linggo nag-iikot ang trak ng basura—magkaiba pa ang araw para sa “nabubulok” at “di-nabubulok.” Malugod kong pinupuri ang ganitong pagsusumikap na magkaroon ng tamang segregasyon sa kinabibilangang komunidad. Hindi naman kasi lahat ng Local Government Units ay naisasakatuparan ang ganitong aksiyon kahit na ito pa ay isang mandato.
Sa kabuuan, ang pinakanapulot ko para sa araw na ito ay ang kahalagahan ng parte ng bawat isa para maisakatuparan ang anumang minimithi. Ambisosyo man ang Sustainable Development Goals ng United Nations subalit kung may kolektibong aksiyong ilulunsad ang bawat isa sa atin ay tiyak, sama-sama nating maisasakatuparan ito. Napakaraming organisasyon o kalipunan ang nagtatampok sa ganitong adhikain, isa na rito ang 2030 Youth Force in the Philippines Inc.—kung saan din ako ay miyembro. Nakatataba ng puso ang ganitong mga pagtugon sa hamon ng hinaharap. Napakahalaga rin ng gampanin ng bawat isa sa atin. Harinawa nga ay mas mapalawig pa ang pabatid hinggil dito nang sagayo’y mas  umigting pa ang pakikibaka para sa ambisyong ito. Ang kolektibong aksiyon mula sa masa, para sa masa ang magpapatingkad sa magandang epekt ng isang kolektibong aksiyon—isa itong lundayan ng ating pakikibaka para sa kasalukuyan at hinaharap ng mundo.
0 notes
updiestro · 5 years
Text
First Aid Training Seminar
For the 5th week of our NSTP Common Module, the UP Red Cross Youth conducted a “First Aid Training Seminar.
For the first part of the discussion, they introduced us to the importance, as well as the objectives of first-aid, that is to...
“provide care that is immediate, temporary, continuous...
to alleviate pain and suffering
to prolong life or save a limb
to prevent further injuries
After discussing the basic knowledge about First-aid, the UP Red Cross Youth reminded us that when doing such things, it’s always the provider’s safety should be the highest priority after all. This is to ensure that there will be no more casualties. 
When providing the first aid to a particular patient, they also advised us to always use Personal Protective Equipments (PPE); to consistently ask consent from the victim; to be mindful that before performing first aid to the victim, ensure that you already call the emergency medical services; and lastly, the most important, to never (and never) attempt skills that exceed provider’s training for it may cause further harm to the patient.
Overall, my take-away from this module is that it is very crucial to know the basic knowledge in doing first aid for it can be useful in case of emergency. Although it is not my first time attending this kind of seminar, I am always grateful for those people who are continuously engaging to the community to spread awareness and knowledge regarding the importance of having an adequate skill in doing first-aid.
“Be a HERO. Save Lives. First aid is for everyone, everywhere.”
0 notes
updiestro · 5 years
Text
ANG MASA SA PANAHON NG SAKUNA
May kaugnayan sa Disaster Risk Reduction Management ang pinasinayaang panayam ngayong linggo na may pamagat na “Behind the Obvious.” Ito ay sa pangunguna ni Dr. Jake Cadag na lagi’t laging iginigiit na ang dilibyu o sakuna ay hindi likas. Dapat ibaling natin ang ating atensiyon sa lumalala nang climate change—ramdam na nga natin sa kasalukuyan ang panganib na hatid nito. Ang pagsasawalang-bahala nito ay isang kahungkagan, kung kaya’t karampatang aksiyon ang dapat na patuloy ilunsad.
Sa repleksiyong ito, gusto kong pagtuunan ng pansin ang binigyang diin ng tagapagsalita sa huling bahagi ng talakayan: kung paanong hindi pa tuluyang naaabutan ng suporta’t tamang aksiyon ang mga nasa laylayan sa lipunan.
Habang inuumpisahang talakayin ito, biglang nahagip ang aking hinagap ng alaala ng bagyong Yolanda at ng mga nasawi rito. Isang manipestasyon ito kung paanong lagi’t laging natatalikdan ang masa. Matatandaang kaliwa’t kanang balita ang ipinalabas sa iba’t ibang estasyon sa telebisyon na may diumanong panganib na dala daw ng storm surge.  Noong panahong iyon, hindi pa (o hindi pa rin naman) batid ng kalakhang Pilipino ang terminolohiyang ito. Kung gayon, masasalamin dito ang pagkakahati ng mga may prebilihiyo at ng masa. Sa halip na sabihing may malaking panganib ang hatid ng malakas na dilubyo sa pagtaas ng tubig at posibleng magdulot ng rumaragasang baha, pinaalalahanan tayo sa panganib na dulot ng storm surge—na isang hungkag na pagpapaalala sapagkat hindi naman naiintindihan ng masa. Dito pa lamang, mababanaagan na agad na sa pamamagitan ng masiyadong pagkiling sa isang wikang siyantipiko ay nagbunsod ng kawalang kamalayan ng mga tao sa totoong panganib na hatid nito.
Ganoon din naman sa mga pananaliksik, nariyan nang maraming ginagawang pananaliksik na may kinalaman sa mga banta ng dilubyo at kung papaano ito maiiwasan, ngunit kulang pa rin ang pagbabalik ng mga saliksik na ito sa realidad ng masa. Hindi nito inaalisan ng balidasyon ang kahalagan ng pananaliksik (kagaya ni Cynthia Villar)—mahalagang tunay ito pero dapat naibabalik nang tama ang isang pananaliksik na mula sa masa, para sa masa. Hindi rin tamang sisihin ang mga institusiyong nangangasiwa rito, sapagkat isang malaking usaping pampulitika’t ekonomika ito. Kung paano laging nakakalikdaan ang masa at biktima ng tumataas nang barikada sa pagitan ng mga uri. Kung kaya’t maging sa usaping ito, naapektuhan pa rin sila.
Isa ring magandang tingnan ay sa kung papaanong ayaw iwan ng mga nasa bingit ng dilubyo ang kanilang lugar sapagkat ito ang kaligiran ng kanilang kabuhayan. Kung kaya’t hindi rin masisisi ang mga rescue teams at mga institusyong may kinalaman dito, sapagkat mayroon at mayroong mga taong hindi aalis sa kanilang lugar gaano man kadelikado na rito. Mangyari pang dapat tingnan natin ang pinakaugat nito: ang kahirapan ng masa.
Sa ganitong lagay, malaki ang gampanin ng bawat isa sa oras ng sakuna sa pagpapalaganap at pagpapaintindi sa bawat isa sa kahalagan ng tamang pagsunod at aksiyon sa oras ng mga kalamidad. Sapagkat lagi’t laging biktima ang mga nasa laylayan sa anumang mga usapin, ang pagtuon sa kanilang estado ang isa sa mga pinakamagandang hakbang upang matagumpay na maipalaganap ang DRRM.
Lahat tayo ay maaaring maging tulay sa ganitong lunggati, ang simpleng pakikiisa sa mga programang nagpapalaganap ng mga tamang aksiyon tuwing may sakuna ay isang malaking hakbang upang tugunan ang problemang inilatag sa itaas. Kailangan ng kolektibong pagpapaliwanag sa dilubyo ng sakuna; kailangan ng pananaliksik mula sa masa, para sa masa; at kailangan ng tamang paglalangkap ng tamang aksiyon sa estadong pulitikal at ekonomikal ng masa.
Kailangan gibain ang tumataas na pader at pagkakahati ng mga may pribilehiyo at ng masa—sa paggiba nito’y lahat ng aspekto’y maaaring masolusyonan kung tutugunan lamang ang pinakaugat nito.
0 notes
updiestro · 5 years
Text
HOLY BINARY: ISANG HUNGKAG NA IDEOLOHIYA
Napakainteresante ng diskurso ang pinasinayaan ngayong araw—pagbabalikwas sa hegemonyaa ng tinaguriang “Holy Binary” sa usaping pangkasarian. Maganda ang pagkakalahad ng panayam ni Ivanka Custudio
Sa konsepto ng Holy Binary, lalaki at babae lang ang nasa ispektrum. Kung baga, kapag hindi ka pasok dito, “naiiba” ka na agad. Dahil sa nahirati nang oryentasyong Kanluranin, halos lahat na nga ng bagay rito sa mundo ay pilit at pilit na hinahati sa dalawang kategorya—panlalaki at pambabae.   Bukod pa rito, may nabuo nang imahe at konsepto ng “pagiging” na nagtatakda na dapat ang kalalakihan at kababaihan ay kumilos ayon sa mga hungkag na basehan o istandard. Gusto kong bigyang-diin ang iba’t ibang mga salik na nagpapatingkad sa mga miskonsepsyon na patuloy na pinapalaganap ng mga institusyong ito. Halimbawa, malaki ang impluwensiya ng relihiyon, edukasyon, atbp. ng isang indibidawal/grupo sa kaniyang/kanilang mga ideolohiya . Nagkakaroon tuloy ng paniniwala na ang lalaki ay dapat malakas, gumagamit ng utak (kaysa puso) sa pagdedesisyon; habang ang mga kababaihan ay dapat “ganda lang,” mas mahina sa mga kalalakihan at marami pang mga kabulastugan.
Sa loob ng tahanan, laging naiuugat ang pangangalandakan ng pagkakahating pangkasarian. Nabanggit nga ng tagapagsalita na nasa  sinapupunan pa nga lamang ng nanay ang kaniyang anak ay naghahanda na ito ng mga kagamitan sa sobrang pananabik. Kapag alam na lalaki ang bata, bumibili ito ng mga gamit na may kulay asul o berde; bawal ang kulay pink o matitingkad na kulay. Dito rin iginigiit na dapat umayon ang isang indibidwal sa kaniyang sex, kung babae ay hindi dapat maglalaro ng baril-barilan, at ultimo sa pagkilos ay dapat hindi magaslaw, na dapat mahinhin lang. Nadadala ito ng bata hanggang sa kaniyang paglaki kung kaya’t nagkakaroon ito ng taal na konsepto kung papaano ba dapat siya kumilos nang naaayon sa lipunan. Maganda ring talakayin ang relasyon ng politika at kasarian. Sa kanluraning oryentasyon, laging iginigiit na may karapat ang kalalakihan na pamunuan ang gobyerno, komunidad, organisasyon, at pamilya. Isinasantabi nito ang idea na may kakayahan din ang kababaihan na mamuno. Ipinapalaganp ng paniniwala na ito na mas may kapasidad ang mga kalalakihan na mangasiwa dahil sa taglay nitong katangian: hindi raw padalos-dalos, nag-iisip daw gamit ang utak, matapang, at kayang-kayang mamuno.
Gusto ko rin ang pag-uugat ng tagapagsalita sa kasaysayan ng Pilipinas upang palitawin ang konsepto ng “mentufewaley” ng mga Teduray, maging ng “Babaylan” na isang manipestasyon na isinasabuhay sa ilang pangkat-etniko natin ang konsepto ng pagiging “transgender” na tanggap ng lipunan. Hindi sila tinitingnan na kaiba, bagkus pa nga’y kinakatigan ng lipunan sapagkat sila ay kaisa at hindi naiiba.
Masalimuot talaga ang usapin sa kasarian. Kung kaya’t  ang pagbasag sa nabuo nang pader na ng oryentasyong hungkag ay maaari pa ring balikwasin sa maraming pamamaraan. Ang pagyakap sa kaibahan ng seks, kasarian, at sekwalidad ang magpapalaya sa mga saradong utak ng iilan. Sapagkat kulang sa pag-unawa e, nagaganap ang demonisasyon nang hindi namamalayan. Malaking bagay ang pag-intindi na hindi lamang nahahati sa dalawang kategorya ang kasarian—na ang bawat isa ay may kalayaang ipahayag ang sarili “patungo sa loob, mula sa loob.” Sapagkat nalilimitihan ang pagkatao ng isang tao kung ang isang lipunan ay pinapangunahan ng mga ideolohiyang nagpapalaganap ng pagkakahati at pagmamalabis. Simpleng bagay man, pero malaki ang magagawa ng  pagpapalawig ng ating pang-unawa na ang isang indibidwal ay maaaring mamili ng kaniyang kasarian batay sa kung ano ang nais ng puso—puwedeng maging transgender, agender, genderqueer, atbp. Isa pa, mali ang ikonsidera ang pagiging parte ng LGBTQI+ na sakit—isa itong kabalintunaan ng mga ideolohikal na pilit at pilit na nagtatakda ng istandard sa lipunan. Sa katanuyan, isang sakit pa ngang maituturing ang masiyadong pagkamuhi sa ibang mga bagay-bagay na hindi sakop ng kamalayan ng isang tao.
Mahalagang maunawaan na ang kasarian/sekswalidad ng isang tao ay maihahalintulad sa isang ilog na patuloy na dumadaloy. Nagbabago. Hindi dapat idinidikta ng lipunan na may dalawa lamang kasarian. Kung gayon lang e, masiyado nang makitid ang pag-iisip natin kung magiging sunod-sunuran na lamang tayo sa mga konbensyonal na oryentasyong ipinapalaganap ng Kanluran.
Ang patuloy na pagbubuwag ng mga kahungkagang konseptong umiiral sa santinakpan ang magpapalaya sa atin na pilit na ipinapangalandakan ang mga bagay-bagay na hindi na dapat dinedebate. Kung baga, iginigiit ang pagiging submisibo na lamang sa mga nahirati nang dominanteng ideolohiya.  Kaya’t dapat lang na gibain itong “holy binary” na ito, na sa katunaya’y nagpapalaganap ng kamuhian sa isang lipunan.
0 notes
updiestro · 5 years
Quote
Entry #2 TUNTUNGAN Equality. Lagi’t laging kalakip ng iba’t ibang diskurso ang salitang ito. Pagkakapantay-pantay. Pero gaano ba dapat kapantay? Kung baga sa analohiya ng isang taong nakatayo, saan tutungtong? Gaano kataas o kababa ang tinutuntungan? Mayroon bang pribilehiyo ang tungtungang ito? E, paano ba masasabing may namumutawing pagkakapantay-pantay? Ang diskurso sa itaas ang umiinog sa aking isipan habang nakikinig  kay Ivanka Custudio sa kaniyang panayam na may pamagat na “Karapatan (sana all) – Human Rights For Everyone.” Nakaangkla ang kaniyang panimulang pananalita sa paglulunsad ng konsepto na lahat ng tao ay malayang mabuhay nang may karampatang karapatan at dignidad, na nakabatay sa Universal Declaration of Human Rights (1948). Sa lipunang may dominasyon ang  mga naghaharing-uri at sa burukratikong pamamalakad ng mga elite, malaki ang gampanin ng gobyerno (na sila-sila rin ang nasa posisyon)  upang mapangalagaan ang kapakanan ng nakararami. Pero siyempre, kabaliktaran ang nangyayari. Malaki ang gampanin ng gobyerno bilang duty-bearer—ang institusiyong nagpapanatili, nagpapalaganap, at nagpapalakas ng mga karapatang dapat matamasa ng sambayaan, ang right-holders. Malaki rin ang obligasyon ng gobyerno sa pagrerespeto at paninigurado na walang pang-aabuso at pandadahas na maganap/magaganap. Sa kabilang banda, kabaliktaran ang nararanasan ng Pilipinas sa adminstrasyong ito. Tila isang bangungot ang tahasang pangingikil at pagtapak sa ating mga karapatan. EJK – pang-aabuso sa anyo ng tinawag na “tokhang” (Oplan Tuktok-Hangyo ) na kung saan isinasantabi ang karapatan ng indibiduwal sa malayang paglilitis. Halos humigit kumulang 35,000 na ang biktima ng di-umanong programang kontra-droga ni Rodrigo Duterte. Pero sa katunayan e, kontra-mahirap—hindi makataong paghahatol ng huwad na gobyerno. Political Dynasties – kung sisipating mabuti ang politika sa likod nito, masasabing ninanakaw rin ng mga politiko sa sambayan ang bumoto nang naaayon sa kanilang nais, dahil sa malawakang “vote buying.” Bukod pa rito, pinaiimbawan ng political dynasties ang karapatan ng mga tao, lalo na ang mga mahihirap at/o gitnang uri para tumakbo sa ilang mga posisyon sa gobyerno. Dahil lagi’t laging ang mga elite ang nagdodomina sa  eleksyon ‘pagkat nagtataglay ito ng ekonomikong adbantahe na nagbibigay-puwang  sa samu’t saring anyo ng pandaraya. Freedom of Expression – dahil sa pagiging pasista’t diktador ng ating pangulo, ninanakawan din tayo ng karapatan sa pagpapahayag. Takot ang gobyernong ito sa mga aktibistang makabayan. Iginigiit sa atin ang pagiging submissive na lamang sa kung ano ang gusto ng nakatataas. Isang manipestasyon na kahit may kalayaan tayong magsalita; sa barikado naman nito ay nakatali ang karit ni Kamatayan sa kung sinumang tahasang magsasalita laban sa administrasyon. Mga desperado sa pagbabago na kalauna’y nagiging desaparecidos. Ang mapangikil na pangil ng mga diktador! Freedom from torture – maaring pisikal ang pinatutungkulan nito. Pero sa kalagayan nati’y tila ba tino-torture na tayo sa lahat ng aspekto—sikolohikal, mental, at siyempre pisikal. Kung paano ang ilan sa atin ay inaalisan ng karapatang ito para pagsamantalahan, patahimikin, at ipawalang-bagwis para magpatuloy ang huwad na larawan ng mga mapang-abuso Sa kabilang banda, gusto ko rin kung paano binigyang diskurso ng tagapagsalita ang tanong na “nabibigyan pa ng espesyal na karapatan ang ilang grupo ng mga tao?” Siyempre ang sagot ay hindi! Ani nga niya, ang mga vulnerable na tao ay talaga naman nangangailangan ng dagdag na karapatan upang magiba ang barikadang patuloy na humahadlang sa mga ito upang matamasa rin ang “pagkakapantay-pantay,” na lagi’t lagi nating binibigyang-diin. Kung baga sila ‘yung mga nakatungtong sa mas mababang bangko kaya kailangan pang lagyan nang dagdag na “patong” para makatamasa ng totoong pagkakapantay-pantay. Totoo ngang may namumutawing “pribilehiyo” na nanggugulo ng sitema ng totoong serbisyong paglilingkod. Sa kabila ng nangyayari sa ating bansa, mayroon at mayroong mga taong magsasabi ng “nasa’n ang CHR?” E na saan nga ba? Ang tanging tungkulin ng Commission of Human Rights ay siguraduhin na sumusunod ang Pilipinas sa mga international human rights obligation. Ang tanong, sumusunod ba? Siyempre, hindi. Ang tanging magagawa lang ng CHR ay sitahin ang pangbababoy sa karapatan ng masa. Kaya nga gano’n na lamang hamakin ng Presidente ang institusiyong ito. Sa paglalagom, nakatutuwang malaman na buhat nang pagkasilang pa lang natin ay nagtataglay na tayo ng karampatang mga karapatan. Subalit hindi lahat ng ito ay natatamasa natin. Lagi’t laging ang pribelihyo ng nakataaas na uri at ng mga ganid na elitistang burukrata ang yumuyurak at yumayapak sa karapatan natin. Bilang pagtatapos, kagaya ng pahimakas ng tagapagsalita, marami tayong magagawa (simpleng hakbang man ito) na malaki naman ang maidudulot. Nariyan ang pagrerekomendang pagtatampok sa human-rights sa gagawing pinal na proyekto sa NSTP. Puwede rin ‘yung kahit na kakapagod na pag-eeduka sa masa, e, sa totoo lang ay malaki ang magagawa kung mabubuksan lamang natin ang kanilang mga mata sa mga totoong nagaganap sa ating lipunan. Puwede rin ‘’yung pakikilahok sa mga organisasyong nagtataas ng karapatan ng masa. At siyempre, malaki rin ang maidudulot ng simpleng pagrespeto natin sa karapatang pantao. Sa mga karapatang, kahit di man natin natatamasa, nagtataguyod ng pagkakapantay-pantay sa lipunan. At siyempre ang patuloy na pakikibaka dahil alam nating may mali. Hindi kailanman natin hahayaang may ibang tao ang yumayapak sa ating karapatan. Lagi’t laging ang paggigiit ng ating mga karapatan ang isang malaking lunsaran ng pagbabago. Pagbabagong matatamasa natin sa pamamagitan ng kolektibong aksiyon. Mula sa masa; para sa masa!
1 note · View note
updiestro · 5 years
Text
PAKIKIPAGKAPWA: PAGGIBA SA BARIKADA NG PRIBILEHIYO
Sa Sikolohiyang Pilipino, lagi’t laging idinidiin ang pagkakaiba ng salitang “kapwa” sa direktang salin nito sa Ingles na, “others.” Kumpara sa pagiging di-kaisa na pinagtutungkulan ng huli, ang “kapwa” ay isang kolektibong konsepto na sumasaklaw sa sangkapilipinuhan, basta’t nakatuon sa iba pang mga kasapi—sa “kabukluran.”
Bilang isang Philippine Studies major, natuwa ako nang lubos sa tagapagsalita, si Prop. Michelle Alcantara, na siyang tumalakay sa paksang nabanggit sa itaas na nakapaloob sa lalim at loob ng kapilipinuhan. Litaw na litaw ang punto-de-vistang kaniyang pinanggagalingan  (sikolohikal) na sinangkapan naman ng makulay na pagpapaliwanag sa mga konsepto’t konteksto gamit ang iba’t ibang konkretong halimbawa, na madaling naunawaan ng mga tagapakinig.
Sa unang leksyon na ito sa NSTP, nakasentro ang talakayan sa sikolohikal na pagdadalumat ng mga konsepto ukol sa tao, kapwa, pribilehiyo, at maka-kapwang paglilingkod tungo sa makabuluhang pagababago (ang pinakatema ng diskusyon).
Gaya nga ng nabanggit ko kanina sa itaas, nakatuon ang “kapwa” sa kolektibong pagbabalangkas kung kaya’t sinabi ng tagapagsalita na esensyal ito sa pagkilala at pagtanggap sa pagkatao ng iba. Aniya ito raw ay nakapaloob sa pakikisalamuha at pagbubukas-loob, kung saan tinutupok nito ang di-nakikitang barikadong naghihiwalay sa atin. Pinahapyawan din  sa talakayan ang dalawang katergorya sa pagbabalangkas ng relasyon ng “kapwa” sa kapwa nito: (1) Ibang tao at (2) Hindi ibang tao, na lagi’t laging nakabase sa lapit ng loob ng isang indibidwal.
Sa pakikipagkapwa,  kahit hindi man natin batid,  ay nagkakaroon ng tinatawag na “intersectionality”—na ayon sa tagapagsalita ay ang relasyon ng sosyal na kategorya tulad ng lahi, uri, at kasarian na kalakip ng partikular na grupo o indibidwal. Lubos na interesante, ang paglitaw ng “pribilehiyo,” ang paksang nais kong pagtuunan ng pansin sa blog na ito, na may malaking bahagi sa daloy ng pakikipagkapwa. Sadyang napalitaw ng larong inihanda, “power walk” ni Prop. Alcantara upang isiwalat ang katotohanang may malaking pagitan at tunggalin ang mga uri o estado ng mga tao sa lipunan.
Lagi’t laging namamayani ang mga taong nagtatamasa ng kaginhawaan, gusto man nila o hindi. Sa pakikipagsalamuha natin sa  lipunang ating ginagalawan, tila baga may espesyal na trato silang  natatamasa (direkta man o hindi) na lagi’t laging kinapapalooban ng sosyo-politikal na aspekto. Sapagkat may “pribilehiyo” nga, natural lang na naisin ng estruktura at sistemang maka-elite na panatilihin ang kanilang dominasyon sa lipunan na ayon pa sa tagapagsalita ay  “naipapatupad sa mga panlipunang institusyon at pang-araw-araw na interaksyon.”
Sa kabilang banda, mahirap nga naman talagang “ilagay ang sarili” kung hindi mo naranasan  ang kanilang mga danas. Pagbabalat kayo ang sinasabi ng mga politikong maiingay tuwing eleksyon: “alam ko ang nararanasan n’yo; naiitindihan ko kayo!” Malaking kahungkagan sapagkat karamihan sa kanila, noon pa man, ay nanggaling sa mga pamilyang elite at nakatatamasa ng pribilehiyo sa lipunan. Hindi tuwiran ang pakikipagkapwa sapagkat kalakip nito ay may mas malalim pang motibo silang nais. Pakikipagkapwang hindi naman talaga maka-kapwa.
Ang tunay na pakikipagkapwa ay nangagaling sa pang-unawang may malaking barikada na naghihiwalay sa mga elite, middle class, at lower class. Kung saan ang unti-unti’t sama-sama nating paggiba sa barikadang ito  ang siyang makapagbubuklod at makapagbibigay ng totoong kabuluhan ng pakikipagkapwa. Taos puso itong pakikipag-ugnayan na walang halong ibang interes. Dalisay. Maka-kapwang tunay. Mahirap mang itong isakatuparan sa lipunan, lagi’t laging ang pakikipagkapwa ang susi sa mas malawak na pag-uunawaan. Kontra-gahum sa hegemonya sa lipunan.
0 notes