Tumgik
mariaelizabethdiaz · 3 years
Text
SA DIVISORIA, 'DI BIRO ANG BAWAT BARYA
Tumblr media
"Pasok mga suki, presyong Divisoria. Sampu-sampu, bente, trenta at iba pa."
Linyang laging naririnig noon sa mga nagtitinda sa Divisoria na kalauna'y naging patok na kanta at sinasayaw ng karamihan.
Tumblr media Tumblr media
Nakagawian na ng mga Pilipino ang pamimili sa Divisoria, lalo na tuwing may okasyon kung saan mas dinadagsa nga ito sa pagsapit ng pasko. Ito'y dahil sa murang mga paninda na sa kaliwa't kanan ng iyong paglalakad, siguradong ika'y may makikita.
Tumblr media Tumblr media
Hindi ka rin mangangamba kung abutan ka man ng gutom sa iyong pamimili dahil sa'n ka man lumingon, iba't ibang paninda ng pagkain sa kalye ang iyong matatagpuan. Katulad na nga lamang ng paninda ni Michael. Isang 30-anyos na nagmamay-ari ng isang kariton ng mga kilalang streetfoods tulad ng fishball, kwek-kwek, hotdog, squid balls, chicken balls, kikiam at syempre ang pampatanggal uhaw na samalamig. Ibinahagi ni Michael na 16 taon na siyang nagtitinda, 14-anyos pa lamang daw siya ay laman na siya ng mga eskinita ng Divisoria upang kumita ng pera sa murang edad. Hindi man ito ang nararapat na ginagawa ng isang menor de edad ngunit kinailangan niya itong gawin alang-alang sakanilang pangangailangan.  
Tumblr media
Matatandaang 2019, matapos magpatupad ng clearing operations sa mga nagtitinda sa kalye ang bagong halal na Alkalde ng Maynila, na si Mayor Isko Moreno o kilala rin bilang "Yorme". Sa pagpapatupad niya nito, naglalayon itong magkaroon ng kalinisan at lumuwang ang mga kalsada upang makadaan nang maayos ang mga tao at sasakyan. Ngunit kasabay ng magandang tunguhing ito, hinagpis at gutom ang sinapit ng karamihan sa ating mga kababayan. Marami ang nawalan ng hanapbuhay matapos na paalisin sa mga pwestong kanilang kinatatayuan. Ang iba'y umabot pa sa puntong nakumpiska ang mga paninda dahil sa ilang ulit nang pinaaalis. Ibabalik naman ito ng autoridad kung mangangako silang hindi na muli magtitinda sa mga lugar na iyon. Ang mga nagtitinda kasi na walang sariling pwesto at permit ay hindi maaaring makapagtinda sa kung saan-saang eskinita.
Tumblr media Tumblr media
Katulad na lamang ng mag-asawang ito na matapos aprubahan ang aking paunlak na sila’y makausap at makuhanan ng litrato, hindi na ipinagbigay alam ang kanilang pangalan. 3 taon na silang nagtitinda sa Divisoria. Dahil nga sa naging patakaran na bawal basta magtinda sa kalsada ang walang pwesto at permit, binubuhat at itinatakbo na lamang nila ang kanilang paninda sa tuwing may naglilibot na autoridad upang hindi ito mahuli o makumpiska. Ayon sa mag-asawa labis ang hirap ng kanilang sitwasyon na kanilang pinagdadaanan 'pagkat naging maliit ang kanilang kinikita. Wala kang magawa kundi magtiis na kahit minsan daw ay wala talaga silang kinikita. Mas lalong hinagpis ang kanilang dinanas nang sinabayan pa ito ngayon ng pandemya kung saan mas lalong lumiit ang kanilang pinagkakakitaan sa araw-araw.    
Tumblr media
Ayon sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority noong 2018, tinatayang nasa 15.68 milyong katao ang nasa ilalim ng Informal Sector sa bansa. Hinihikiyat naman sila ng mga tauhan sa city hall na magparehistro sa Bureau of Permits upang makakuha ng permiso at pwesto. Magbabayad lang sila ng bente pesos sa umaga at bente pesos sa gabi. Subalit karamihan sakanila ay hindi na kumuha nito dahil sa paniniwalang mas mawawalan sila ng kita kung ang mga natitira nilang suki ay mawawala rin kapag nadestino sila sa ibang lugar. Marami pa rin naman ang nagparehistro upang magkaroon ng pwesto, dahil para sakanila mas mabuti nang magbayad sa araw-araw ng bente pesos upang hindi mapaalis at hindi makumpiskahan ng mga paninda na kanilang kailangan sa hanapbuhay. Ayon sa Lokal na Pamahalaan ng Maynila, na ang mga kinikitang bayad mula sa mga nagtitinda ay planong gamitin para sa pabahay sa mga mahihirap.
Tumblr media
Sa mga lumipas na taon, kilala ang Divisoria na lugar kung saan laging maraming tao at maingay dahil sa dami ng namimili. Ngunit nitong mga nakaraang taon, nagbago ang lahat. Kasabay ng pagtahimik, pagluwang at mas luminis na mga kalsada, nabawasan naman ang mga taong namimili sa paligid, at marami ang pilit naghahanap pa rin ng pwesto para sa kanilang hanapbuhay. Bawat eskinita noon ay siksik sa dami ng nagtitinda at bumibili, bawat helera’y  iba’t ibang paninda at maliliit na negosyo ang matatagpuan. Ngunit ngayon naging mapresko sa paningin ng iba ang lugar at nakabawas ng hirap sa pamimili dahil sa nawalang siksikan. Ngunit kasabay naman nito ang maraming nawalan ng pagkakakitaan. Ang mga nagtitinda’y nawalan ng suki na kung saan sila nakakakuha ng kita sa pang araw-araw na gastusin.  Marami ang napilitang umalis ngunit may mga nanatili rin naman na handang makipagsapalaran para lamang ma-iahon ang kumakalam na sikmura.
Sa sitwasyon ni Michael, na minsan ay swerte nang kumita ng 500 piso sa isang araw mula sa mga barya baryang binabayad ng mga bumubili sakanya, hindi pa rin daw ito katulad noon na malakas ang benta. Malaki rin kasi ang kanilang puhunan sa araw-araw na pagtitinda na umaabot sa higit isang libo, hindi pa kasama rito ang ibang mga gamit pangluto. Mabuti na lamang at karitong de-tulak ang kanyang bitbitin kung kaya't maaari pa rin daw siyang makapagtinda sa Divisoria, ngunit hindi nga lamang siya maaaring manatili nang matagal sa isang pwesto. Ayon kay Michael, hindi naging madali ang sitwasyon nila magmula noong nagkaroon ng clearing operations sa Maynila dahil bukod sa lumiit na kita, tuluyan silang nawalan ng pagkakitaan nang magkaroon pa ng lockdown dahil sa pandemya.  
Kahirapan ang isa sa mga problemang kinakaharap ng ating bansa. Sabi ng ilan, kailangan kasi na magbanat daw ng buto upang makaahon sa hirap ng buhay. Ngunit sa mga katulad nina Michael na buong araw nagtitinda, naglalakad, nagtutulak ng kariton, at nagluluto sa kumukulong mantika habang nasa ilalim ng tirik na araw, masasabi pa rin bang hindi sila nagsusumikap sa buhay? Lahat ng tao ay may iba’t ibang oportunidad at kakayahan na maaaring gamitin upang maabot ang kanilang mga pangarap, ngunit ang pagiging nakakaangat sa kapwa ay hindi sapat na dahilan upang maging maliit ang tingin sa mga maliliit na sektor ng lipunan na pilit kumakayod para sa pangtustos ng pangangailangan.
Kasabay ng disiplina sa ating mga sarili, ang magandang hangarin para sa kaayusan ng lipunan ay nangangailangan din ng proteksyon at malasakit para sa karapatan ng lahat ng ating mga kababayan. Ang bawat barya na ating binabayad sa mga nagtitinda'y nakabubuo ito ng sapat na perang nakakatulong sa kanilang pamilya at ng pag-asa na maka-ahon muli sa mga pinagdaanang pagsubok.  
Sabi nga ni kuya Michael, "Kahit mahirap kailangan pagtyagaan eh, kasi kailangan para mabuhay."
2 notes · View notes