Tumgik
keytipilipino · 3 years
Text
Repleksiyon
         Sa pag aaral, mahaba ang naging proseso at naging mahirap din para sa mga kapwa ko mag aaral dahil sa sitwasyon natin ngayon na pandemya at ang naging materyal na ginamit ay ang online o module para maipagpatuloy ang pag aaral sa taon na ito. Hindi naging madali ang pakikipag komunikasyon sa guro at sa aking kamag aral tuwing magkakaroon ng aktibidad. Madaming pagsubok at hirap sa loob ng unang semester ngunit masaya dahil may mga kaalaman na nadagdag sa aming kaisipan kahit na mahirap. Kung talaga pursigido kang makatapos kahit anong hirap pa yan kakayanin mo. At sa tulong ng asignaturang ito mas natutunan namin gumawa ng iba’t ibang bagay na hindi lang para sa amin kundi para malaman ng ibang tao, tulad na lamang dito sa tumblr na aaminin kong ngayon ko lang nakita at nalaman gumawa ng bagay na mababasa ng ibang tao. 
           Maraming bagay ang nais kong malaman tungkol sa panitikan , sanaysay at iba pa. Sa aking nakaraang pag aaral dito ay higit na mas lumawak ang aking kaisipan sapagkat dito ay natutunan ko kung saan nagmula, paano gumawa , mga bagay na dapat gawin sa sanaysay at maikling kwento. Naranasan ko kung papaano gumawa ng isang makabuluhan at maikling kwento sa tulong ng aking mga ka-grupo. Ayon kay Waykurat (wikipedia), na ang panitikan ay pagsulat ng tuwiran o tuluyan at patula na nag uugnay sa isang tao. Ang panitikan ay ang mainam na pagsulat na may anyo, pananaw, at diwang nakakasanhi ng matagal sa pagkawili at pagkagana. Nakapagsulat din ako ng isang kritikal na sanaysay tungkol sa mga; ang kamalayang feminismo sa panitikan pilipino, literatura ng uring anakpawis at iba pa. Naipaliwanag din ang patungkol sa mga kwentong panitikan tulad ng (fiction at non-fiction) na nagpapaliwanag na ang fiction ay isang kathang isip lamang at hindi makakatotohana at ito din ay nagbibigay ng opinyan sa isang bagay tulad ng (Impeng Negro, Armor ni John Benga at iba pa). Ang non- fiction naman ay isang makatotohanang kwento na hango sa mga pangyayayri ng mga totoong tao at naglalaman ito ng makabuluhang ebidensya. Narito rin at naibahagi sa amin ang tungkol sa paggawa ng maikling kwento. Ayon kay Sandy Ghaz (2019), ang maikling kwento ay isa sa mga anyo ng panitikan. Ito ay isang maiksing salaysay na naglalaman ng isang kwentong may mahahalagang pangyayari. Sa kabila ng pagiging maiksi nito, maaari nitong taglayin ang lahat ng elemento ng maikling kwento. Kadalasan ito ay mapupulutan ng magagandang aral at nag iiwan ng panibagong karunungan sa isip ng mga bata o mambabasa (Hal. Ang mga munting hiling ni kiko sa pasko at ang mahiwagang singsing ni reyna marikit). 
       Bagama’t ganito ang naging sitwasyon ng pag aaral, masasabi kong naging makabuluhan ang bawat oras na nailaan namin sa aming pag aaral. At kahit na pandemya ay nabigyang tuon kami ng aming guro upang magkaroon ng malawak na kaalaman. Isang matiyagang guro sa Panitikang Pilipino na hindi nagsasawang sumubaybay at gumabay sa bawat aktibidad na ibinibigay sa amin. Hindi kami nahirapan na humanap ng oras para sa aktibidad sapagkat binibigyan kami ng malawak na oras upang matapos ang lahat ng ito. Kaunting panahon lamang at hindi man nagkita ng harapan at pisikal ngunit alam namin na hindi kami pinabayaan sa pagkakaroon ng kaalaman. 
MARAMING SALAMAT SIR!
0 notes
keytipilipino · 3 years
Text
KRITIKAL NA SANAYSAY
ANG KAMALAYANG FEMINISMO SA PANITIKANG FILIPINO ,LITERATURA NG URING ANAKPAWIS, AT SAD FEW NOTES ON CREATIVE WRITING. May mga ideya ba kayo kung ano ang mga ito? Narito at ibibigay ko sainyo ang iba’t ibang ideya tungkol dito. 
Ang Kamalayang feminismo sa panitikang Filipino ni Nanay Bunso, ito ang nagpagising sa damdaming Pilipino. Ang pantay pantay na pakikitungo sa mga kasarian ng iba ang nabigyang diin dito. Sa pagsusulat, may isang feminista ang nagsulat ng mga karanasan ng mga babae. Kung wala ang mga kababaihan hindi magaganapa ang pagbabago noong ika-walumpung dekada dahil sa kahusayang tinataglay ng mga babaeng makata, manunulat, mandudula at iba pa. Nasasaad din na hindi dapat maliitin ang mga kababaihan sapagkat isa sila sa mga perlas ng mundo, malaki din ang naging ambag ng mga babae sa lipunan at kultura ng bansa. Sa kasalukuyan, madami pa din ang mga babae na hindi napapahalagahan at hindi nakikita ang halaga. Paano nga ba natin ito mababago? Magsisimula ito sa mga taong nakakaintindi sa ambag ng mga kababaihan at ang lipunan natin ang unang makakapagprotekta sa karapatan ng mga kababaihan. Kung babae ka, wag kang magpapatalo, may kakaiba tayong kakayahan basta lumaban lang. 
Literatura ng uring Anakpawis (Iniantolohiya sa NATIONALIST LITERATURE at KILATES ng Unibersidad ng PILIPINAS), nasasaad dito ang iba’t ibang pangyayari na nagaganap sa ating bansa at ang iba’t ibang manunulat na nagsaad dito sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Mayroon na mga kapitalista, mapangalipin, at mapandambong na dayuhang interes. Bilang isang Pilipino, huwag natin hayaan na tayo ay apihin, at maliitin ang ating kakayahan dahil mayroon tayong pagkakaiba iba, sila ay mayaman sa pera at mga matataas na inprastraktura ngunit tayo ay mayaman sa mga likas na yaman, at ang mga dakilang magsasaka na siyang naghahatid at nagbibigay ng pagkain na pangangailangan natin sa araw araw. Mas maging sensitibo tayo sa nakikita natin dahil hindi natin alam ang hirap ng bawat tao na pilit naghahanapbuhay para sa kanilang pamilya at mayroon lamang ipakain sa kanilang mahal sa buhay. Pahalagahan ang sarili , kung gusto mong pahalagahan  ka ng iba.
Sad few notes in Creating Writing ni Rogelio L. Ordonez, hango ito sa lengguaheng ingles na naglalaman sa mga pagbabago sa uri nang pagsusulat ng isang tao, malalaman ito sa pamamagitan ng kung paano nila ginagawa ang mga istorya o kwento at kung ano ang importanteng nilalaman nito. Maraming uri kung bakit gumagawa ng kwento o nagsusulat ang isang tao, una ay para kumita ng pera at pangalawa ito ay kanilang ambisyon o kaya naman para ilabas ang damdamin. Sa ating bansa, habang tumatagal ay marami ng nawawalan ng interes sa pagsusulat, isa sa mga dahilan ay ang social media. Madaming mga “memes” na tinatawag at isa ito sa mga nakakahumalingan ngayon base sa aking napapansin. Kung minsan ay may nagnanais pang gumawa ng sanaysay o kwento para sa kanilang ambisyon ngunit karamihan ay dahil na lamang sa pera. Hindi maganda ang nangyayari habang tumatagal at pabago bago na ang henerasyon dahil mapapansin na ang ibang mga bata na lumalaki pa lamang ay nawawalan na agad ng interes sa pagbabasa lalo na sa pagsusulat. Nasa sarili natin ang pagbabago, maging modelo, huwag magpatalo.
0 notes
keytipilipino · 3 years
Text
FICTION AND NON-FICTION
Mga Kwentong Pampanitikan: Fiction at Non-Fiction
Kwento na puno ng aral, kwentong maraming matututunan at kwentong hindi makatotohanan. Nasa atin na lamang kung ang bawat kwento na nababasa ay paniniwalaan. Mas mabuti na hindi lamang isapuso at isaisip ang binabasa bagkus lawakan ang ating isip at siyasatin ang nilalaman ng kwento.
Fiction-  Ayon kay Waykurat(2019), ito ay isang mapangathang anyo ng salaysay, isa sa mga apat na panimulang panretorikang paraan. Bagaman, hindi kinakailangang purong kinatha ang mga gawang piksyon(fiction) at maaaring maglaman ng mga totoong tao, lugar at pangyayari. 
Non-Fiction- mga pangyayaring hindi kathang-isip, o sa madaling salita ito ay makatotohanan. Hango sa mga pangyayari ng mga totoong tao at naglalaman ng mga ebidensya upang paniwalaan ang kwento.
ANO ANG AKING NABASA NA FICTION STORIES AT ANG AKING NATUTUNAN?
Kasal ni Elli Rueda Guieb III ay isang nakakalungkot na kwento tungkol sa paghihiwalay ng dalawang tao. Ayon kay Elli Rueda Guieb III, “Maaaring naroroon ang pait, hindi mo maiaalis iyon. Pero hindi ibig sabihin no’n ay dapat na malungkot ang lahat ng pagtatapos” isa sa tumatak sa aking isipan. Nabigyan ng diin sa kwento na hindi dapat ikalungkot ng dalawang tao ang pagtatapos ng yugto ng kanilang pagsasama  bagkus mas bigyang halaga nila ang desisyon ng bawat isa. Ang kasal ay hindi panghabang-buhay, kung minsan ay nawawala na ang pagmamahal sa kanilang puso, kung kaya’t mas minabuti na lamang na tapusin kaysa may mga tao pang masaktan. Sa buhay, may mga dapat kang isuko, may mga dapat na pakawalan kahit masakit. Sa kwentong ito, natutunan ko na walang permanente sa mundo, kahit pinagbigkis kayo ng tadhana, hindi mo mahahadlangan kung paghihiwalayin din kayo nito. Mas mabuti na matapos ang relasyon ng walang pisikal na sakitan at walang galit na mananaig sa puso.
Dangal ni Norman Wilwayco, mababasa rito ang paninira ng dangal sa isang tao. Sa kasalukuyan, hindi masama ang maging mahirap or mayaman hangga’t alam mong tumapak sa lupa at wala kang inaapi , tinatapakan o sinasaktan na tao sa bawat kilos na ginagawa mo. Natutunan ko na, kahit gaano kadami ang pera kung gagamitin mo ito sa bagay na makakasakit ka ng tao ay hindi rin mabuti dahil nagagamit ito pambili ng dangal ng isang tao na dapat ay magamit sa bagay na ikakasaya mo o ng kapwa mo. Sa sitwasyon natin ngayon, may mga mayayaman na ginagamit ang kanilang salapi upang gumawa ng masama kahit labag sa diyos at sa batas. Huwag natin hayaan na maghari ang ganitong klase ng tao bagkus maaari natin ingatan ang ating dangal at wag magpasilaw sa salapi sapagkat hindi natin ito madadala sa kabilang buhay. 
Impeng Negro ni Rogelio Sicat, ang kwentong ito ay tungkol sa pangutngutya kay impen dahil sa kanyang tinataglay na kulay. Ang natutunan ko sa kwento, huwag kang mangutya ng kapwa mo dahil ang katangian ng isang tao ay iba iba. Maging marespeto ka sa kapwa mo at maging pantay pantay sa pakikitungo sa iba. Huwag mong maliitin ang kapwa mo sapagkat hindi mo alam kung ano ang tunay na kalooban mayroon sila at huwag kang tumingin sa panlabas na anyo , mas importante pa din ang panloob na katangian dahil ang panlabas na anyo ay kumukupas pero ang panloob ay habang buhay tataglayin. 
Armor ni John Benga, ang kwento ay tungkol sa isang bakla na  nagngangalang Ronnie, siya ay sumali sa isang Miss Gay Pageant. Siya rin ay nagtangkang magpakamatay. Ang natutunan ko sa kwento, huwag kang gagamit ng masamang gamot tulad ng droga kung ikaw ay may pinagdaraanan o problema sa buhay dahil hindi iyon ang magandang solusyon sa iyong problema bagkus mas dadagdagan mo lang ang kasalanan at pinagdaaranan sa buhay. At ang paggamit nito ay mas lalong makakapahamak sa ating buhay at walang magandang maidudulot ito sa iyong kalusugan higit sa lahat ay sa iyong buhay.
ANO ANG AKING NABASA NA NON-FICTION STORIES AT ANG AKING NATUTUNAN?
Forced by Habit ni Eman Nolasco, ay tungkol  sa pag-ibig. Ayon kay Eman Nolasco,” Ang bayang umiibig ay bayang nasasaktan”. Sa kasalukuyan, maraming magkasintahan na (babae-babae) (lalaki-lalaki). Kadalasan ay patago kung sila ay magkita at doon lamang nila naipapakita ang pagmamahal nila sa isa’t isa. Kung minsan may mga lalaki na hindi maamin o matanggap ang pagkatao nila hanggang sa may isang babae na palang nasasaktan dahil natuklasan na niya ang kaniyang sarili at totoong pagkatao. Natatakot sila na ilabas ang tunay na pagkatao nila dahil sa mga taong mapanghusga at takot silang may masabi ang ibang tao sakanila. Secret On o patagong pag-ibig ang tawag sa relasyon ng  dalawa. Sa kasalukuyan, isa sa mga suliraning pantao o ng mga Pilipono, ay ang mga mapanghusgang tao na nasa paligid at ang mga bibig na mapanghusga sa kapwa na hindi naman alam ang tunay na istorya ng kanilang buhay. Kadalasan kasi ang mga Pilipino ay padalos dalos ang bibig at hindi alam na posibleng may isang tao siyang masasaktan sa kaniyang mga salita. Natutunan ko na, matuto tayong tumanggap ng kasarian ng kapwa natin dahil hindi mo alam kung ano ang maaaring maging epekto ng hindi mo pagtanggap sakanya. Huwag tayong matuto na manghusga o manlait ng kapwa lalo na sa mga magkakarelasyon na pareho ang kasarian. Huwag natin hayaan na makasakit tayo ng ating kapwa, respetuhin natin at igalang kung ano man ang desisyon nila sa buhay dahil hindi natin hawak ang buhay nila.
Kubeta ni Nancy Kimuell-Gabriel, nagpapakita ng kahalagahan ng kubeta o palikuran sa isang tao. Sinalaysay sa kwento ang iba’t ibang karanasan ng iba’t ibang lugar at kung paano siya nagiging sensitibo pagdating sa kubeta. Nasasaad din sa kwento na hindi sapat ang binibigay ng gobyerno para sa pagpapagawa ng maayos, malinis at may sanitasyon na kubeta o palikuran. Nasaad din dito kung anong klase ng gobyerno mayroon tayo. At tayo iminumulat sa maling gawain na hindi na dapat gawin sa mga susunod na henerasyon. Maraming naaapektuhan sa kawalan ng kalinisan, walang sanitasyon at napakaduming kubeta sa ating bayan tulad ng pagkakasakit at pagiging madumi ng ating kapaligiran, hindi lang tao ang naaapektuhan kundi pati na rin ang kapaligiran na siyang nagsisilbing ganda ng ating lugar. Ang natutunan ko sa kwento, ay may mahalagang parte pala ang kubeta sa ating lahat dahil kung wala ito, ang ating bayan ay isa sa may pinakamaduming lugar sa mundo. Ito din ay isa sa mga kalinisan na tinatawag dahil dito naitatagot ang duming inilalabas natin sa ating katawan at ito ang nagsisilbing taguan nito. Kalinisan at sanitasyon ay hindi lamang sa ating katawan at labas ng bahay bagkus ginagamit din ito sa kubeta. Unahin ang kalusugan, isunod ang kapaligiran, magpahalaga sa bagay na nakakapagbigay sa atin ng maayos na bayan.
Maaaring kayo ay mabibitin sa aking kwentong isinalaysay, ngunit maaari ninyong bisitahin at basahin ang mga kwentong aking nabanggit at tiyak ko na kapupulutan niyo ito ng aral at mamumulat kayo sa katotohanan. 
0 notes
keytipilipino · 4 years
Text
Ano nga ba ang panitikan? Bakit natin kinakailangan na pag-aralan ang panitikan? Paano nga ba pinag-aaralan ang panitikan?
Ano nga ba ang panitikan? ito ang isa sa mga katanungan na nais malaman ng karamihan. Ayon sa aking mga pagsusuri, ang panitikan ay nagsasabi at nagbibigay ng kaalaman patungkol sa damdamin, karanasan, hangarin at ito rin ay paglalarawan lalo na sa pagsulat ng tuwiran o tuluyan. Ang panitikan ay nagmula sa salitang Pang- titik- an na nangangahulugang literatura (literature) na ang salitang literatura ay galing sa latin na litteran na nangangahulugang titik. Ito din ay nagpapahayag ng patungkol sa lipunan, pananampalataya at mga karanasang may kaugnayan ng iba’t ibang uri ng damdamin. Mayroon ding iba;’t ibang uri ng panitikan; panggawaing panitikan, masining na panitikan, at malikhaing panitikan. Ang masining na panitikan ay ang ating bait, higit kaysa ating damdamin, ang tinatawag na masining na panitikan. Ang malikhaing panitikan ay may layunin na tahasang pukawin ang ating guniguni at damdamin na nakakakita ng saya sa isang paraluman (ideal). May mga tungkulin din ang panitikan at ito ay ang pagkakaroon nito ng malaking bahagi sa ating buhay sa pang-araw-araw na gawain man, ito ay nagbibigay ng kaalaman sa ating upang malaman na ang mga naging buhay sinaunang tao, mga kuktura, mga nagawang tula at iba pa, kahit sa kasalukuyang kaganapan. May mga hangarin at paraan ang panitikan, ito ang paglalahad kung nais magpaliwanag, paglalarawan kung nais magpahiwatig ng(hitsura,anyo,lagay,hugis, kulay at iba pa), pagsasalaysay kung nais magpakita ng pagkakaugnay ugnay ng mga pangyayari, at pangangatwiran kung nais mapaniwala, manghikayat, o mag-paganap. Ito ang mga bagay na maaari nating malaman sa pagbabasa at pagtuklas kung ano nga ba ang panitikan. 
Bakit nga ba kailangan natin pag-aralan ang panitikan? mahalagang pag-aralan  ang ating sariling panitikan dahil; malalaman ng mga tao ang kanilang  kalinangan at kasaysayan, mababatid nila ang kalakasan o kahinaan ng kanilang paniniwala at pag uugali, magiging matatag at matibay ang kanilang pagkalahi, makikilala ang mga kapintasan at kagalingang pampanitikan upang lalong mapayabong, at magkakaroon ng pagmamalasakit sa ating sariling panitikan. Makakatulong din ito sa mga tao na makakuha ng mahahalagang impormasyon sa iba’t ibang uri ng panatikan. Mamumulat din sila sa mga bagay na mayroon tayo at mga bagay na makakapagbigay ng buhay sa mga sinaunang tao. Sa mga tao na mahihilig magbasa ng iba’t ibang libro tiyak na madami ka talagang matutunan at makakakuha ng maraming impormasyon na makakatulong sa pag-aaral at mga bagay na puwede itong gamitin. Mababatid din natin ang mga kagalingan sa pagsulat at mapagsikapang ito ay mapagbuti at mapaunlad. Bilang mga Pilipinong mapagmahal sa bayan at mapagmalasakit sa ating kultura ay malaman kung bakit ito mahalaga, at alam natin na tayo higit kanino man ang dapat at unang magpahalaga sa sariling atin. 
Paano nga ba ito pag-aaralan? Wala naman talagang paraan kung paano ito pag-aralan, pero sa simpleng pagbabasa lang ng panitikan tiyak na mas marami na tayong malalaman at matutunan dito. At ang pagkahilig sa pagbabasa lalo na ng panitikan ay sobrang makakatulong hindi lang sayo, at sa pag-aaral kundi maaari mong ibahagi sa ibang tao na nais malaman ito at kung saan ito nagsimula. Makakatulong ka din sa pagpapalaganp ng kultura at kasanayan ng mga Pilipino. Hindi naman sa simpleng pagbabasa lang tayo magkakaroon ng kaalaman sa panitikan kundi sa pagsubok mong magsulat ng mga kwento na hango sa ideya ng panitikan. Kahit maikling kwento, tula , salaysay o kahit ano pa man ay madami ka ng malalaman sa panitikan. Sa pag uulat ng kwento, sa iba’t ibang site sa panahon natin ngayon ay malaking tulong dahil mas mapapalawak nito ang kaalaman natin sa panitikan sa madaling paraan. 
Tayong lahat ang maging modelo ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng pagsusulat ng kwento at mga simpleng paggawa ng panitikan na mula sa puso. Magbasa at magsulat, tulungan natin ang ating sarili. 
1 note · View note