Tumgik
healyafterdark · 18 days
Text
Kagitingan
April 9, 2024
Lumipas ang maraming araw at naging madalas ang pagchachat mo sa akin kahit aminado akong hindi kita masyadong napapansin. Mahilig kang magpadala ng mga larawan at video clips tungkol sa mga ginagawa at pinupuntahan mo. Noong mga panahon na 'yon, wala naman talaga akong pakialam. Dahil dala na rin siguro na okupado ni mamang pulis ang isipan ko noon. Alam ko naman na wala kaming patutunguhan dahil wala naman kami nung tinatawag na common interests. Sinasalba ko lang ang pagkakaibigan namin na umabot na ng mahigit dalawang buwan. Pero sinusubukan ko naman pansinin lahat ng mga messages mo, hindi ba?
Naalala ko nga na naitanong mo sa akin kung nagkaroon na ba ako ng boyfriend. Madalas sinasabi ko ang totoo na hindi pa ako nagkaroon ng kasintahan sa buong buhay ko. Ngunit ewan ko ba kung bakit nagsinungaling ako pagdating sa'yo. Siguro dahil ayokong tawanan mo ako at sabihin mong matanda na ako at lumipas na ang ilang taon para hindi ako magkaroon ng ni isang kasintahan.
"Isa lang," sagot ko. Hindi mo naman ako tinantanan tungkol doon. Gustung gusto mong malaman kung anong nangyari sa amin ng imahinasyon kong iyon. Ipinaliwanag ko na lang na hindi kami magtatagal dahil taga-Mindanao siya at ayaw namin pareho ng LDR. Kahit na may katotohanan ang kwento at ang taong ito, hindi naman talaga kami naging official. Oo, taga-Mindanao siya na nakilala ko sa dati kong pinasukan na kumpanya at nagustuhan naman namin ang isa't isa ngunit sagabal talaga ang distansya para sa walang kasiguraduhan. Ngayon ko napagtanto na marami pala kayong pagkakapareho.
"Isa lang pero matagal na yun." Kung hindi ba ako nagpanggap at inamin ko ang totoo, kakausapin mo pa rin ba ako pagkatapos nun? Kung ako ang tatanungin eh palagay ko'y hindi tayo magiging magkaibigan kung nalaman mo noong una palang na pihikan ako, hindi ako sumusugal kahit gusto ko ang isang tao, at madalas akong nakatali sa konserbatibong imahe sa akin ng pamilya ko. Sigurado ako na iisipin mong ekis ka na sa akin agad.
Nakikita mo lahat ng Instagram stories ko at kung may maicocomment ka ay siguradong magcocomment ka. Hindi ko naman nilagyan ng malisya ang lahat ng mga pangunguna mo na magkausap tayo kahit pautay-utay. May isa ngang beses na bigla kang nagpadala ng audio clip na naggigitara at kumakanta ka ng "Heaven Knows" ng Orange & Lemons at sinabing medyo matagal ka nang LSS sa kantang ito. Sa totoo lang, napangiti mo ako nung nagpadala ka noon at narinig kong kumanta ka. Napakarandom naman ng lalaking 'to. Pero infairness, maganda naman ang boses.
Naalala ko rin nung Araw ng Kagitingan na kailangan ko nang bumalik ng dorm kaso hindi ko naabutan ang huling byahe nung gabi kaya umuwi nalang ako ng bahay.
"Goods yan, para magkausap pa tayo. Nakakalimutan mo ako pag di na bakasyon e haha," sabi mo.
Nakonsensiya ako noong sinabi mo 'yon kasi wala pa naman talaga akong pakialam sa'yo kahit na tatlong linggo na tayong magkakilala sa social media.
"Joke lang. Sorry din, ang galing manggaslight eh haha."
Nagaslight mo nga siguro ako kasi pagkatapos ng usapang 'yon eh biglang nagbago ang ihip ng hangin. Mas naging interesado na akong kausapin at kilalanin ka. Siguro dahil hindi na rin kami nag-uusap ni mamang pulis kaya nabaling na ang atensyon ko sa'yo.
Siguro dahil nadala na rin ako sa pagiging matiyaga mo na makuha ang atensyon at oras ko, isa na naman sa nagustuhan ko na katangian mo. Yung iba kasing mga lalaki eh hindi nagtatagal ng isang linggo sa pagiging matiyaga. Pero hindi ko alam bakit naiiba ka.
"Di mo naman sinasabi sa papa mo na nakakausap mo 'ko 'no? Hahaha," tanong mo.
Ang dami kong tawa nung nagtanong ka na tungkol kay papa. "Hindi. Gusto mo ba na sabihin ko? Hahahahaha."
"Huy nakakahiya. Last week nga sinabayan ko siya mag-meryenda sa canteen eh." Sabi mo pa na baka mapagalitan ka niya at baka mailang ka sa kanya. Sana naniwala ka talaga noong sinabi ko na hindi pa kita nababanggit kay papa nung mga panahon na'to.
Nagsimula na rin akong magpadala sayo ng mga kanta, karamihan eh mga OPM indies na hindi mo pa naririnig. Nililista mo sila isa isa kasi sabi mo eh gagawan mo ng hiwalay na Spotify playlist. Pinakita mo nga rin pala ang isang parte ng journal mo tungkol sa Mt. Pulag noong March 18. Nabanggit mo sa journal mo ang pangalan ko pati na rin ang mga katagang sinabi mo sa akin.
"Ang lakas mong mag-sir sa'kin eh mas matanda ka pa sa'kin."
Ako? Nabanggit sa journal ng iba?
Bakit ba ako nagkaroon ng espasyo sa journal mo pati na rin sa isip mo? Hindi ko talaga inaasahan na mapapansin mo ako.
"Ikaw lang ang kilala kong lalaking nagjojournal," ang manghang sabi ko. Ipinaliwag mo sa akin na ito ang payo sa'yo ng doktor mo. Meron ka palang clinical depression mula 2023 na kinailangan ng maiging gamutan. Noong February 2024 ka lang din na-clear ng doktor sa sakit mo.
Nabanggit mo kasi na "fucked up" ang buhay mo noong 2018-2023 kaya ka nagkasakit. Pero ang dahilan, hindi ko pa alam. Nirerespeto ko naman kung hindi mo sasabihin dahil wala namang akong karapatang manghimasok sa mga bagay na hindi naman ako kasali.
"At saka ko na ikekwento kapag magkaibigan na tayo."
Natutuwa ako sa pagiging totoo at transparent mo pati na ang pagiging magiting mo kaya nakalimutan ko na kung ano ang unang pagkakakilala ko sa'yo. Hindi ko akalain na hahanga ako sa'yo.
Yakap by figvres
Isinulat ngayong May 5, 2024 | 5:31 PM
0 notes
healyafterdark · 19 days
Text
Research
March 19, 2024. Sa Instagram.
Masakit pa ang buong katawan ko lalo na yung mga binti ko nitong araw na'to pero ito lang ang araw na pwede akong magpahinga dahil halos isang linggo akong nawala sa office at kailangan na akong bumalik kinabukasan. Yun nga lang, hindi rin naman ako nakapagpahinga dahil pumunta kaming mag-anak sa bagong bahay na inaayos pa noong mga panahon na ito. Naaalala ko pa nga na puro alikabok pa ang buong bahay at marami pang trabahador na labas pasok sa bahay.
Habang nag-uubos ng oras sa pag-upo at panonood sa construction, may natanggap akong follower request sa Instagram. Hulaan mo kung sino. Siyempre tama ang iyong sagot: ikaw.
Sa totoo lang, hindi naman ako nagulat na magfollow ka sa akin. Mas nangibabaw yung pagtataka ko kung paano mo ako nahanap kasi hindi ko naman ipinakilala ang sarili ko sa'yo noong magkasama tayo ng tatlong araw. Mas nangibabaw din yung paghanga ko sa galing mong maghanap ng tao sa social media. At saka, bakit mo ba naisipan akong hanapin? Wala pang isang buong araw noong huli nating pagkikita. At saka bakit sa Instagram mo ako hinanap at hindi sa Facebook? Ahh, ganito naman talaga ang mga babaero, sa Instagram nagfofollow ng mga babae.
Inaccept ko ang request mo at baka isipin mo eh napakasuplada ko namang tao. At syempre nagpadala na rin ako ng follower request sa'yo dahil wala namang masama.
Nag-hello ka kaagad. Nag-umpisa agad tayong mag-usap nung oras din na 'yon. Ipinadala mo pa nga yung mga larawan ko nung nasa summit tayo kasi sabi mo nasa group chat ninyo. Nabigla ako nung tinanong mo kung doon pa rin ako nagtatrabaho sa "company" sa Makati.
"Teka, bakit alam mo kung saan ako nagtatrabaho?" nagtataka kong tanong.
"Secret," ang sagot mo. "Undergrad - UP, Agribusiness Management, 2015. Masters - PUP, Industrial Engineering and Management, 2022."
"Teka, bakit alam mo 'yang mga 'yan?" Hindi pa naman talaga ako graduate sa Masters ko pero mayroon na akong hula kung saan mo nakuha ang mga detalye na iyan. Doon lang naman ako naglagay ng mga ganitong detalye eh.
"Secret. Isipin mo nalang na nagtatrabaho ako sa RnD. Magaling ako sa research."
Dumiretso ako sa LinkedIn account ko at mayroon kang follower request. Sabi na eh, sa LinkedIn mo ako nahanap. Binasa ko ang LinkedIn profile mo at nalaman ko na Industrial Engineering ang natapos mong course at nag-MBA ka na rin. Malakas naman pala ang sir na yan. Hahaha
Nagpatuloy ang pag-uusap natin noong araw na 'yon. Ang sabi mo pa nga sa akin eh masakit pa rin ang katawan mo pero pumasok ka sa office dahil may meeting kayo.
Kinuwento kita kay mama noong araw din na iyon at sinabi ko sa kanya na nakasama ka namin sa Mt. Pulag at isa kang engineer na katrabaho ni papa. Nabanggit ko rin sa kanya na nahanap mo ako sa Instagram at taga-Sto. Tomas ka. Naikwento ko rin sa kanya yung problema mo sa tent at kung paano ako hinatak ni papa papalayo sa'yo noong dumudulas ako sa pagtulog ko sa van.
"Ano yung naririnig ko na pulis? Bulacan? Sto. Tomas?" biglang tanong ni papa. Ewan ko ba bakit parang gusto niyang mangialam. Kami lang naman ni mama ang nag-uusap nun.
"Hindi mo naman kilala eh." Naikwento ko rin kay mama si mamang pulis na taga-Bulacan.
"Kasi iisa lang naman ang kasama natin sa Mt. Pulag na taga Sto. Tomas eh," pagtatakang sabi ni papa.
"Wala 'yon. Guni-guni mo lang 'yon." Ang hirap gumawa ng alibi. Ayaw ko namang banggitin agad kay papa na nagkakausap tayo. Sinabi rin ni mama na huwag ko munang sabihin sa kanya. Wala namang masama sa totoo lang. Nakakapanibago lang na may kausap ako na katrabaho ni papa na halos kasing edad ko.
Simula noong araw na iyon eh naikukwento na kita kay mama. Hindi ko alam kung bakit gusto kitang ikwento sa kanya. Dahil siguro katrabaho ka ni papa? Hindi ko rin alam.
Languyin by Autotelic
Isinulat ngayong May 5, 2024 | 2:11 AM
0 notes
healyafterdark · 19 days
Text
Aritao
March 18, 2024. Sa daan pauwi.
Tumblr media
Bumalik ang grupo natin sa Protected Area Office para kunin yung mga certificates. Nagpagawa ka rin ng certificate nun kasi naaalala kong sabi mo na gusto mong may maipakita ka na totoong na-conquer mo ang Mt. Pulag kasi nga di naman yun ang hilig mo. Nahigit ka lang naman ng mga katrabaho mo kasi sabi sa'yo madali lang naman. Isang malaking scam pala. Hahaha
Weird nga eh kasi tayong dalawa yung saktong magkasamang pumasok doon sa office kasi sabi mo titingin ka ng mga souvenirs. Eh yun nga rin ang gagawin ko kaya pumasok ako ng office. Habang hinihintay ng iba nating kasamahan yung certificates sa labas ng office, sobrang abala naman tayo sa pagpili ng souvenirs na ref magnets nun. Nung nakapili na tayo, nagbayad na tayo doon sa babaeng staff at naghintay ng ilang minuto.
"Sayang wala akong dalang picture ko," sabi mo habang nakatingin ka doon sa isang mini gallery na puno ng pictures ng mga taong pumunta doon. Nakastapler ang iba't ibang sukat ng mga larawan nila, mapa-ID photo or polaroid ay naroon. Actually, napasilip din ako sa wallet ko kung meron akong ID photo pero maski isa wala akong nahanap.
"Ano, sir, maglalagay ka ng picture?" tanong ko.
"Ang lakas mong mag-sir eh mas matanda ka pa sa'kin!"
"Syempre formal tayo. Alangan namang kuya ang itawag ko sa'yo," paliwanag ko. "Bakit, ilang taon ka na ba?"
"Ikaw, ilang taon na?" tanong mo pabalik.
"30."
Tumawa ka at sinabing, "Oh diba mas matanda ka."
"Bakit ikaw ba?"
"29 lang ako."
"Nye. Isang taon lang naman, kung makapagsabi ng mas matanda ako wagas eh." Tapos umupo ako doon sa mahabang upuang kahoy sa office.
Kinuha na natin yung mga certificates. May kanya kanyang envelope pa na binigay para di magusot. Pagbalik natin ng van, hindi ko lang mawari kung saan ko ilalagay kasi siguradong magugusot. Iniligay mo yung envelope mo sa pula mong ecobag na di ko malilimutan, at yung akin naman eh nirolyo ko at nilagay sa Aquaflask bag ko. Parehong nakasabit sa harapan natin yung ecobag at Aquaflask bag kaya di ko makakalimutan ang tandem na ito. Sure akong di mo makakalimutan ang buong eksenang ito, kasi ako hindi nakalimot.
-----
Saglit palang yung byahe natin pauwi pero nagising ako dahil makurba ang daan at tumitilapon ako papunta sa'yo at kay papa. Hindi naman ganun yung dinaanan namin 2 months ago galing Buscalan kaya medyo nagtataka ako kung anong ruta ba ang dinaanan natin. Nung humimbing nang kaunti ang tulog ko, hinatak ako bigla ni papa at kinulong niya sa braso niya yung kanang braso ko. Pasandal na siguro ako sa'yo kaya walang kaabog abog na hinatak niya ako.
Napaseatbelt na ako nang dahil doon kasi nakakahiya naman sa'yo. Nakita mo yung inis ko sa byahe kasi pareho tayong tumitilapon at dumudulas sa espasyo sa pagitan natin. Nahuhulog lang tayo sa kinauupuan natin. Paglingon ko sa'yo, tahimik ka palang tumatawa. Hindi ko narin tuloy napigilang tumawa. Pareho tayong nakakapit sa hawakan sa harap natin kung saan nakasabit ang pulang ecobag at Aquaflask bag.
"Para tayong nasa Star City," sabi mo. Ang dami kong mga tawa nun, mga sampu.
Maya-maya pa'y nilabas mo ang ointment mo na di ko alam kung ano ang brand pero maliit lang siya. Kumuha ka ng kaunti gamit ang iyong daliri sabay pahid sa magkabilang sentido. Very tito.
Hindi ko napigilang sabihin yung nasa isip ko pero alam kong nakaganti ako sa'yo. "Mas matanda ako sa'yo pero hindi pa naman ako nagpapahid-pahid," sabay tawa.
"Huyy, grabe ka. Masarap kasi 'to ipahid. Nakakawala ng hilo. Nahihilo na ako sa byahe," sabi mo.
Nakita ko si papa na nakatingin nang masama sa akin kasi puro tawa tayo na hindi mapigilan.
"Usapang tito at tita 'to," sabi ko sa kanya at bigla kang tumawa ulit.
Nasa Nueva Vizcaya pala tayo noong mga oras na yon. Ang ganda ganda ng mga bundok na dinaanan pero nakakahilo ang daan.
Naalala ko pareho tayong nakaharap sa cellphone. Kausap ko yung ka-match ko na "mamang pulis" kung tawagin ko kasi isa siyang RCrim na naghihintay ng recruitment sa PNP. Dalawang buwan na kaming nag-uusap noong mga panahon na iyon. Sa totoo lang, January 16 kami unang nagkamatch. Anong meron ba kasi sa numerong 16?
Hindi ko alam paano pero nakita kitang nagsswipe right at left sa Bumble. Oo, alam kong sa Bumble yun kasi kulay dilaw. Buti nalang hindi naka-installed ang Bumble ko kundi mahahanap mo ako sa nearby places.
Napansin ko nga meron ka ring LinkedIn eh at iba pang apps. Hindi ko alam pero pagdating sa'yo ang lakas ng pandinig at paningin ko. Wala naman talaga akong pakialam sa'yo.
-----
"Makikisali ako sa table niyo."
Nagstop over ang grupo natin sa Pampanga noong oras na yon. Dali dali kong hinila si papa sa Jollibee kasi iyon ang pinakamadaling isipin na kainin pang-dinner. Ang tagal pa nga pumili ni papa ng uupuan hanggang sa umabot sa bandang dulo ng fast food. Yung table na napili niya eh yung pang-apatan.
Habang bumibili si papa sa counter, gumagawa ako ng story nun. Maya maya pa'y nakatayo ka na sa tabi ng table at sinabi mo nga na makikisali ka. Nakatingin ako sa'yo nun habang paupo ka na sa harap ko. Nahanap niya kami eh nasa dulo na'to ng Jollibee. Hindi naman ako naiinis pero nabigla lang ako na kasama na naman kita sa tagpong iyon.
"Nakikiclose, 'no?" sabi mo pa.
Hindi ko na maalala kung ano ang sinagot ko sa'yo. Pero para saan pa kasama ka na namin eh. At saka isa na siguro yan sa nagustuhan kong ugali mo.
Kaharap ko si papa nun habang katabi mo siya. Hindi ka nahiya magkwento kay papa ng mga nangyari sa'yo sa Mt. Pulag. Nakakatuwa ka magkwento kasi puno ng saya at interes. Sa totoo lang, nakakaaliw yung mga kwento mo tulad ng magdamag na hirap mo sa loob ng tent mo. Naikwento mo pa ngang basang basa ang isinapin mong twalya dahil wala kang dalang sapin ng tent kaya tagos ang lamig sa pagtulog mo. Naikwento mo rin yung isinabit mong rosaryo sa loob ng tent kasi sabi mo takot ka sa mga posibleng maligno doon sa bundok. Nabanggit mo rin na pagbukas mo ng tent noong gabi, wala kang ibang nakita sa labas kundi kadiliman at katahimikan kaya umurong na lang ang ihi mo.
Hindi ka nahihiya noong oras na yon ngunit nahihiya ako na supermeal ang order ko. Ang takaw takaw ko naman sa part na yon.
Nagkaroon ng bagong arrangement sa van pagkatapos ng dinner. Hindi na tayo magkasama sa van dahil nalipat kami sa kabila. Iyon na pala ang huli nating pagkikita, yung nakita mo akong kumakain ng supermeal tapos inalok mo ako ng extra rice mo.
Siberia by Ang Bandang Shirley
Isinulat ngayong May 4, 2024 | 5:36 PM
1 note · View note
healyafterdark · 20 days
Text
Ambangeg
March 18, 2024. Sa Mt. Pulag.
Magkasama na naman tayo sa grupo pababa ng summit. Yung guide, si Sir Rudy, ikaw, at ako. Nauuna nga akong maglakad sa inyo eh kaya noong paglingon ko ng isang beses sa inyo, nakakatawa kasi tatlo kayong nakahilera sa matataas na damuhan para jumingle. Sana pwede ko ring gawin yun.
Naalala ko nga na nabanggit mo kung kanino na dinala mo sa summit yung hiking bag mo nang walang laman kundi tuwalya para pagdating sa picture, magmukhang binuhat mo hanggang summit yung mga gamit mo. Eh ang totoo naman ni maliit na ecobag, pinabuhat mo sa guide. Hahahaha
Pero ewan ko ba bakit ba madalas na magkasama tayo sa grupo sa trail?
-----
Pababa na ang grupo natin sa Mt. Pulag ng bandang 9 AM at halos magkasunuran lang tayo sa trail. Ang bilis bilis din maglakad ng mga kagrupo natin pero nakakahabol naman ang lahat.
Naalala ko sabi mo pa nga, may pasok ka na kaagad kinabukasan sa trabaho at siguradong bangag ka pag pumasok ka. Sinabi mo rin na marami kang gagawin kaya hindi ka pwedeng magleave.
Tumblr media
Nung nasa Camp 1 na tayo, magkakasama tayong tatlo nila papa habang nagkekwentuhan yung ibang mga kagrupo natin sa di kalayuan. Humanga ka pa nga kasi nalaman mo sa kwentuhan niyo ni papa na 32 years in service na siya sa company na pinapasukan ninyo at hindi ka pa pinapanganak nung mga panahon na yon. Ibig sabihin, di nagkakalayo ang edad natin. Sabi ko naman literal na yung company na yun ang nagpaaral sa amin.
Nalaman ko rin na 5 years ka palang pala doon at sa R&D Dept. ka nakaduty. Ahh, malamang engineer 'to. Sabay pa nga kayong sumagot ni papa nung tinanong ko yun eh.
Tuloy na ulit sa paglalakad pababa at magkasama pa rin tayo sa grupo. Naalala ko pa nga nagjojoke ka na sana may zipline na lang pababa para di na tayo naghihirap. Ang arte talaga. Hahaha
Pero bakit ba naririnig ko mga sinasabi mo noon? Ganoon ba kalapit ang mundo natin nung panahon na yon? Madaldal ka lang talaga kaya siguro naririnig kita.
-----
Noong nakababa na ang grupo bandang tanghali, nagstay muna ang lahat sa isang bahay doon kung nasaan yung mga gamit natin pati na rin yung mga Grandia. Nag-aayos palang tayo ng gamit sa labas bago magpunta sa mga paliguan noong nagtanggal ka ng damit pang-itaas. Di ko inakala na fit ka naman pala.
Oo, nagsinungaling ako nung nagpag-usapan natin yon nitong nakaraan lang. Nakita nga kita noon pero syempre dumaan ka lang naman sa paningin ko kasi wala pa nga akong pakialam sa'yo noong mga panahon na iyon.
At saka, bakit nga ba kasi kung nasaan ako eh nandoon ka rin?
Pagkatapos ng halos 2 oras, handa na ang lahat para umalis. Naisip ni papa na lumipat kami ng upuan sa likuran ng van natin dahil dalawa kami sa mga huling ihahatid pauwi. Hindi ko maalala kung saan ko narinig pero nalaman ko na taga-Sto. Tomas, Batangas ka pala. Kaya nagkatabi tayo sa upuan pero doon tayo nagkataong maupo sa row na may espasyo sa gitna. Kaya di pa rin tayo magkadikit pero tamang magkatabi lang. Si papa kasi gusto sa gilid para maiunat niya ang mga binti niya kaya napunta rin ako sa gitna. Wala naman talaga akong pakialam noon pero pag naaalala ko 'to, natatawa ako.
Nandito Pa by Feel Day
Isinulat ngayong May 4, 2024 | 1:15 PM
2 notes · View notes
healyafterdark · 20 days
Text
2,926 masl
March 16-18, 2024. Sa Mt. Pulag.
Tumblr media
Tayo ang nagkasama sa grupo ng mababagal umakyat. Si papa, yung mag-asawa, yung guide, ikaw, at ako.
Sabi mo nung tinanong kita, first time mong sumama at umakyat ng bundok. Di mo ineexpect na ganun naman pala kahirap yon. Ako rin, first time ko rin na umakyat ng bundok talaga tapos Mt. Pulag pa, the highest peak in Luzon.
Narinig ko pa nga sabi mo doon sa kasamahan natin, na walang gamit ang paggigym niyo kasi nahirapan ka pa rin sa pag-akyat sa bundok. Tapos bigla kong sabi, "Hindi ata aerobic ang exercise ninyo, baka puro buhat. Dapat yung exercise na hihingalin kayo." Tumingin ka lang naman sakin nun. Siguro same tayo ng iniisip. Nako, nagsalita ang akala mo naggigym.
Isa sa mga pinakapangit na itsura ko yung nasa bundok tayo. Walang makeup, puro pawis, walang ligo, nakashirt at leggings, tapos mas lalong halata yung tinaba ko. May bitbit akong sling bag na mabigat, isang 32 oz na Aquaflask sa kaliwang kamay, at tungkod sa kanang kamay naman. Marami akong bitbit pero di hamak na mas malakas naman ako sa akyatan. Mas kita ko yung hirap mo kahit maliit na ecobag lang naman ang bitbit mo hahahaha. Tinawanan kita sa isip ko nun lalo na nung nag-alok yung guide na kunin yung maliit na pulang ecobag na yun. Ang arte pala neto, sabi ko sa isip ko lang.
Nung nasa camp naman tayo, di naman gaanong nagkrus ang landas natin. Naka dalawang shots lang naman ako ng whisky tapos bumalik na sa tent namin ni papa. Ikaw ata sumama naman sa inuman ng mga katrabaho ninyo ni papa. Pero ang di ko makakalimutan eh nung nakita kong mag-care sa iyo si Sir Egay. Hinahanap ka niya kasi di ka raw niya makita kung saan. Nasa tent ka ata nun, di ko lang sure kasi nga wala naman akong pakialam pa sa'yo that time.
Kahit nga nung paakyat na rin sa summit nung madaling araw, di naman tayo nagkausap kasi nga focus lang ako sa pag-akyat nun. Hindi ko talaga akalain pagkatapos ng bundok, magiging magkaibigan tayo. Eh di sana inayos ko man lang ang sarili ko nung nandun tayo, kasi mapapansin mo pala ako kahit ganun ang gulo gulo ng buhok ko. Oh baka kaya napansin mo ako kasi nga ang gulo gulo ng buhok ko?
Ilang2x by Ang Bandang Shirley
Isinulat ngayong May 3, 2024 | 12:43 PM
2 notes · View notes
healyafterdark · 21 days
Text
7 Eleven
March 16, 2024. Unang pagkikita natin.
Tumblr media
Maalala mo kaya na yun ang unang encounter natin sa isa't isa? Nagstop over ang grupo natin somewhere sa isang 7 Eleven sa norte, na until now di ko pa rin mawari kung saan banda yon, pero nadaanan na namin 2 months ago noong hindi ka namin kasama sa hiking.
Hindi ko naman masyadong pinansin at nagkatinginan lang naman tayo for a split second. Sino ba namang mag-aakala na sa simpleng tagpo na iyon, magkakaroon ka ng tagpo dito sa isipan ko habang sinusulat ko ito ngayon?
Sino ba naman ang mag-aakala na after ng isa't kalahating buwan, maaalala ko yun at maiisip na may mga bagay pala talagang sa una, akala natin napakasimple kaya di natin napapansin. Pero may darating palang araw na mapagtatanto mong isa palang mitsa iyon para magkaroon ng mas makabuluhang konekyson ang dalawang tao.
Wala naman akong plano na makilala ka nang malalim katulad ngayon. Ngunit parang may ibang plano ata ang mundo para sa atin. Bakit nga ba kasi pinagtatagpo ang mga tao kung wala namang dahilan, hindi ba? Sigurado ako, may dahilan.
Sana naman malaman ko. Sa ngayon kasi, hindi pa.
Balewala - Brisom
Isinulat ngayong May 2, 2024 | 11:48 PM
2 notes · View notes